Advertisers
By Mercy Lejarde
Makikitang in love talaga ang Kapamilya singer-actress na si Maymay Entrata sa kanyang bagong music video para sa single na “What We Love” tampok ang real life partner na si Joaquin Enriquez.
Makikita sa MV ang sweet at simpleng getaway nina Maymay at Joaquin na nagbibigay-buhay sa mensahe ng kanta na patuloy na pagipili sa pag-ibig sa kabila ng mga pagsubok.
“This song is for the memories that still make you smile, the moments that still feel like home, and the kind of love that stays. Because with the right person, love is something you choose every single day,” saad ni Maymay sa social media.
Isinulat niya ang dance-pop track katulong sina Nhiko Sabiniano, Trisha Denise, at Greg Shilling. Ipe-perform ni Maymay nang live ang “What We Love” sa Barrio Fiesta Caravan 2026 sa Birmingham, UK sa Hulyo 12 at sa “ASAP Australia” sa Hulyo 25.
Matapos ang tagumpay ng kanyang empowering hits na “AMAKABOGERA,” “Puede Ba,” “Tsada Mahigugma,” “Paradise,” at “Masunog Man,” patuloy na ipinapakita ni Maymay ang kanyang evolution bilang singer-songwriter sa pamamagitan ng mga kantang personal at relatable sa listeners.
Patuloy rin siyang gumagawa ng pangalan sa international scene. Noong 2023, tampok si Maymay sa Spotify EQUAL billboard sa Times Square, New York at na-feature din ng Recording Academy sa original series nitong “It Goes to 11.” Noong 2024, nag-debut siya sa Paris Fashion Week, kung saan inawit niya ang English version ng “AMAKABOGERA” habang rumarampa sa runway.
Lalo pang lumawak ang kanyang global reach nang piliin siya ng Disney Southeast Asia upang awitin ang “Nasaan ang Hiling” mula sa OST ng “Snow White.” Naging guest mentor din siya sa “Dream Maker,” at naging nominee para sa Best Asia Act sa 2022 MTV Europe Music Awards. Gumawa rin ng kasaysayan si Maymay bilang unang Filipina na rumampa sa Arab Fashion Week at patuloy na ipinagmamalaki ang talento ng mga Pilipino sa international stage.
***
“Walang deadline ang pangarap,” ito ang pahayag ng komedyanteng si Tonton Soriano matapos niyang ibahagi na natapos na niya ang kanyang high school education.
Sa isang social media post, ibinahagi ni Tonton ang isang larawan kung saan makikitang nakatanggap siya ng kanyang high school diploma.
“Akalain mo ‘yun… nakatapos din ng high school! Medyo na-late man, pero ang mahalaga, tinapos!” ani Tonton.
Dagdag pa niya, “Para sa lahat ng pakiramdam nila ay nahuhuli na sila sa buhay, gusto kong ipaalala na walang deadline ang pangarap. Hindi pare-pareho ang oras ng tagumpay natin. May kanya-kanya tayong laban, may kanya-kanya tayong panahon.
“Huwag mong ikumpara ang Chapter 2 mo sa Chapter 20 ng iba. Ang mahalaga, Kahit mabagal, kahit may pahinga, kahit ilang beses kang nadapa—bumangon ka pa rin. Dahil sa huli, hindi ang bilis ang maaalala ng mga tao, kundi ang katotohanang hindi ka sumuko.
“Kung may pangarap ka pa, simulan mo. Kung nasimulan mo na, ipagpatuloy mo. Darating din ang araw na ikaw naman ang magsasabing, ‘Akalain mo ’yun… kinaya ko rin.’
“Mama loida para din sayo ito.
“Maraming salamat, Jhonnas,sa pag-encourage at pagpilit sa akin na tapusin ito. Kung hindi dahil sa’yo, baka hindi ko pa rin ito nagawa.
“Kay Maam Naing at ate Phina, ALS at DepEd salamat po!”
Pak na pak ka d’yan, Tonton! As in, walang deadline ang pangarap. Isang malaking congratulations!