Advertisers
NAGULAT ang lahat sa inasal ng magkapatid na Senator-Judge Alan Peter at Pia Cayetano sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkoles.
Oo! Bago umusad ang impeachment trial ay naging mainit agad ang sesyon nang maghain ng magkahiwalay na manifestation sina Senator-Judge Robin Padilla at Sen. Alan kaugnay ng bagong imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y mga anomalya noong 2019 Southeast Asian (SEA) Games na ginanap dito sa bansa.
Naunang nagpahayag ng pagkabahala si Padilla sa timing ng NBI probe.
Sinundan ito ni Cayetano, na diretsahang inakusahan ang NBI na ginagamit ang imbestigasyon bilang paraan ng pananakot.
“I hope that this is the last time that I am going speak about this. So binabawasan talaga kami,” diin ni Alan, na tumutukoy sa matagal na niyang alegasyon sa kanyang mga Facebook Live na nakararanas siya ng intimidation mula sa administrasyong Marcos.
Hindi rin niya itinago ang kanyang saloobin.
“Am I intimidated? Wala na akong choice. Ilalaban ko na ‘to!”, namumulang mukha ni Cayetano.
Kasabay nito, nilinaw niyang hindi siya tumututol sa anumang lehitimong imbestigasyon.
“But go ahead if you wanna investigate,” bira niya, patama kay NBI Director Melvin Matibag.
Mdirekta rin siyang patutsada kay Matibag.
“Wag tayong pumayag that someone like Matibag will do that,” dagdag ni Cayetano, habang inaakusahan ang NBI chief na sinusubukan umano siyang i-pressure sa pamamagitan ng naturang imbestigasyon.
Ang kontrobersiya ay nagsimula nang ihayag ng NBI nitong Hulyo 14 na bumuo ito ng isang task force upang imbestigahan ang umano’y mga iregularidad sa pagtatayo ng New Clark City Sports Complex, pangunahing venue ng 2019 SEA Games.
Kabilang sa sisilipin ng ahensya ang mahigit P10 bilyong pondo na hindi umano maayos na na-liquidate, ang paggamit ng congressional insertions sa pagpopondo ng proyekto, kawalan ng public bidding, partisipasyon ng isang pribadong Malaysian contractor, at ang kontrobersyal na SEA Games cauldron o kaldero na nagkakahalaga ng P32 milyon hanggang P50 milyon.
Bagama’t iginiit ng NBI na nasa paunang yugto pa lamang ang imbestigasyon at nakatuon ito sa mga usaping pinansyal at procurement, naging sensitibo ang usapin dahil si Cayetano ang nagsilbing chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) noong 2019, kungsan siya’y nakaupong House Speaker sa termino ni ex-President Rody Duterte.
Nakatakda ring tumestigo si Matibag bilang witness ng prosekusyon sa impeachment trial ni VP Sara sa mga susunod na pagdinig, July 22, dahilan upang lalo pang pag-usapan ang timing ng naturang imbestigasyon.
Actually inimbestigahan na noon ang umano’y anomalya sa pondo ng 2019 SEAG pero hindi ito natapos dahil sa Covid 19 pandemic, at ipinagtanggol pa ni noo’y President Digong si Cayetano.
Ngayon si Marcos na ang Pangulo, malamang may paglalagyan ang mga kumamal sa bilyon bilyong pondo ng 2019 SEAG. Subaybayan!