Advertisers

Advertisers

Bea Binene gaganap bilang pintor na may DID sa “Love U Lots,” “wife” para kay Wilbert Ross

0 4

Advertisers

By Anne Venancio

May panibagong dahilan na naman ang mga tagahanga ng WilBea para kiligin. Matapos ang matagumpay nilang tambalan sa Golden Scenery of Tomorrow, muling magsasama sina Bea Binene at Wilbert Ross sa “Love U Lots,” ang pinakabagong original romantic-comedy series ng Viva One na mapapanood simula Hulyo 24, na may bagong episode tuwing Biyernes.

Sa walong-episode series na idinirek ni Victor Villanueva, bibigyang-buhay ni Bea ang karakter ni Ysa, isang mahusay na pintor na may Dissociative Identity Disorder (DID). Samantala, si Wilbert naman ang gaganap bilang Estong, isang binatang pilit bumabangon mula sa kabiguan sa pag-ibig at pagkawala ng kanyang ipon dahil sa isang scam.

Nagtagpo ang landas nina Ysa at Estong nang mawala ang isa sa mahahalagang obra ng pintor. Habang tinutulungan siyang mahanap ito, unti-unting natutuklasan ni Estong ang iba’t ibang personalidad ni Ysa. Sa gitna ng kanilang paglalakbay, mabubuo ang isang pag-iibigang susubukin ng nakaraan, mga bagong hamon, at mga taong hahadlang sa kanilang relasyon.

Mas magiging makulay ang kuwento sa pagganap ng mahuhusay na supporting cast na kinabibilangan nina Xia Vigor bilang Adel, ang mapag-arugang tagapangalaga ni Ysa; Vito Quizon bilang Jayden, nakababatang kapatid ni Estong; Katya Santos bilang Ninang Barbs; DJ Durano bilang Ninong Kent; Janno Gibbs bilang Popsy Bert, ama ni Estong; Migo Valid bilang Lorenz, na magiging karibal ni Estong sa puso ni Ysa; at Candy Pangilinan, na may special participation bilang psychiatrist na si Dra. Wanda Tan.

Sa media conference ng serye, ibinahagi ni Bea na isa sa pinakamalaking hamon sa kanya ang pagganap bilang Ysa dahil sa mabilis na paglipat ng iba’t ibang personalidad ng karakter.

“Exciting para sa akin ang role na ito dahil kakaiba at bago. Mahirap ang transitions sa bawat personalidad ni Ysa dahil kailangang seamless at mabilis ang bawat pagbabago. Nakakapagod, pero malaking challenge rin ito bilang isang artista.”

Ayon pa sa aktres, nagsagawa sila ng masusing research at kumonsulta sa mga adviser upang matiyak na maipapakita nang may paggalang at tamang pag-unawa ang kondisyon ng kanyang karakter.

Samantala, inamin ni Wilbert na may kaakibat na pressure ang kanilang muling pagtatambal, ngunit naniniwala siyang ibang klase ang kuwentong ihahatid ng Love U Lots.

“May pressure talaga dahil may inaasahan na ang mga tao sa tambalan namin. Pero iba ang kuwento ng Love U Lots, kaya excited kaming makita kung paano ito tatanggapin ng audience.”

Hindi rin nawala ang kilig sa media conference nang tanungin ang dalawa kung bakit nila itinuturing na “partner material” ang isa’t isa.

Para kay Wilbert, si Bea ay hindi lamang “girlfriend material” kundi maging “wife material” dahil sa pagiging maalaga, sweet, at family-oriented nito.

Tumugon naman si Bea sa pamamagitan ng pagsasabing “boyfriend material” si Wilbert dahil sa pagiging goal-oriented at pagkakaroon ng malinaw na direksiyon sa buhay.

Bukod sa kanilang magandang samahan, kapwa nagpahayag sina Bea at Wilbert ng pasasalamat sa patuloy na suporta ng kanilang fans, na anila’y nagsisilbing inspirasyon upang mas pagbutihin pa ang bawat proyektong kanilang ginagawa.

Sa pangunguna ng WilBea at ng powerhouse supporting cast, inaasahang maghahandog ang Love U Lots ng isang kuwentong hindi lamang puno ng kilig at katatawanan, kundi pati na rin ng mensahe tungkol sa pagtanggap, paghilom, at pagmamahal sa kabila ng mga hamon sa buhay.

Mapapanood ang “Love U Lots” simula Hulyo 24 eksklusibo sa Viva One, na may bagong episode tuwing Biyernes.