Advertisers

Advertisers

PALASYO NAGPATAWAG NG SECURITY MEETING PARA SA SONA

0 7

Advertisers

Pinulong ni Executive Secretary Ralph Recto ang security cluster bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.

Nabatid na sa pulong, inatasan ni Recto ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na higit pang paigtingin ang koordinasyon sa seguridad, pamamahala ng trapiko, at crowd control upang matiyak ang maayos na pagdaraos ng SONA.

Sinasabing pinaghandaan din ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente na maaaring makaapekto sa kaligtasan ng publiko at sa maayos na daloy ng mga motorista at commuter.

Kasabay nito, iniulat naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Presidential Security Command (PSC) ang mga hakbang sa seguridad na kanilang ipatutupad bago at sa mismong araw ng SONA.

Binigyang-diin ni Recto na dapat mapangalagaan ang karapatan ng mamamayan na mapayapang magpahayag ng kanilang saloobin, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa anumang uri ng karahasan at iba pang banta sa kapayapaan at kaayusan.

Samantala, maliban sa PSC, AFP, MMDA at PNP, dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan ng Department of Transportation (DOTr), Department of the Interior and Local Government (DILG), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at iba pang ahensyang katuwang sa paghahanda para sa SONA. (Gilbert Perdez)