Advertisers

Advertisers

ISKO: WALANG IMPOSIBLE SA TAONG GUSTONG MAGBAGO!

0 3

Advertisers

Iginiit ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na ang kanyang sariling buhay ang pinakamalinaw na patunay na may kapangyarihan ang pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa tao.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na 1st PPA-NCR Criminal Justice Stakeholders’ Conference sa The Manila Hotel nitong Biyernes, Hulyo 24, bilang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Parole and Probation Administration (PPA), ibinahagi ni Domagoso ang kanyang pinagdaanang buhay mula sa lansangan ng Tondo hanggang sa pagiging alkalde ng Maynila.



Ayon sa alkalde, lumaki siya sa kapaligirang puno ng tukso at masasamang impluwensiya, ngunit pinili niyang tahakin ang ibang landas.

“Ako ay napapalibutan ng mga medyo maabilidad na indibidwal na hilig tumambay sa kanto. Pare-pareho kami ng environment, umiba lang ako ng landas,” ani Domagoso.



Ikinuwento rin niya na bago siya naging artista at kalaunan ay alkalde, naging basurero muna siya.

Dito niya iniuugnay ang kahalagahan ng programa ng parole at probation sa pagbibigay ng bagong pag-asa sa mga taong nagnanais magsimulang muli.



“Ang parole ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon. Na ang isang basurero ay pwedeng maging Mayor,” aniya.

Binigyang-diin ni Domagoso na ang tunay na hustisya ay hindi lamang umiikot sa pagpapataw ng kaparusahan kundi sa pagbibigay rin ng pagkakataon sa isang tao na magbago at maituwid ang kanyang buhay.

“Kapag pinag-uusapan ang hustisya, madalas ang unang naiisip ay parusa. Pero ang tunay na hustisya ay hindi lamang tungkol sa pagpaparusa, ito ay tungkol din sa pagbibigay ng pagkakataong magbago ang isang tao,” ani ng alkalde.

Sa isang magaan ngunit makahulugang pahayag, sinabi rin ni Domagoso na may isang kasalukuyang senador sa bansa na naging benepisyaryo rin ng parole, patunay aniya na hindi dapat agad husgahan ang mga taong nabigyan ng ikalawang pagkakataon.

“Isa sa senador natin ay nabigyan ng ganito, pwede pala maging senador. Who are we para manghusga?” aniya.

Ibinahagi rin ng alkalde ang isang kamakailang insidente ng krimen sa Maynila kung saan, dahil sa kanyang malalim na kaalaman sa komunidad, mabilis na natukoy at naaresto ang pangunahing suspek, habang tatlo pang kasabwat ang kusang sumuko sa mga awtoridad.

Ayon kay Domagoso, mahalagang sabayan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas ang paniniwalang kaya pang magbago ng isang taong taos-pusong nagsisisi.

Sa pagtatapos ng programa, tinanggap niya ang Plaque of Recognition na iginawad ng PPA sa Lungsod ng Maynila at nangakong higit pang palalakasin ang ugnayan ng lokal na pamahalaan at ng ahensya upang maisulong ang rehabilitasyon at pagbabagong-buhay ng mga nasa ilalim ng parole at probation.

“Ang tunay na nagnanais magbago ay isang mahalagang pamumuhunan para sa mas maayos at mapayapang lipunan,” pagtatapos ni Domagoso.(BP)