Advertisers
Iginiit ng Unified Ecozone of the Philippines o Batang Ecozone ang pangangailangang magkaroon ng mas malawak na representasyon at mas maraming benepisyo para sa halos dalawang milyong manggagawa sa mga economic zone sa buong bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Unified Ecozone President Engr. Jerenato “Jerry” Alfante na itinatag ang organisasyon upang maging boses ng mga ecozone workers na madalas umanong hindi naaabot ng iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan.
Ayon kay Alfante, maraming manggagawa ang hindi nakatatanggap ng mga ayuda dahil hindi sila makaliban sa trabaho upang pumila sa mga barangay.
Tinatayang nasa 75,000 ang manggagawa sa Cavite Economic Zone habang umaabot sa 1.8 hanggang 1.9 milyong direct workers ang nasa iba’t ibang economic zones sa bansa, kabilang ang Laguna, Batangas, Pampanga, Cebu at Baguio.
Dahil dito, sinabi niyang nararapat lamang na magkaroon ng organisasyong tututok sa kapakanan ng sektor.
Isa sa pangunahing adbokasiya ng Batang Ecozone ang pagdadala ng mga serbisyo tulad ng medical mission, dental mission at iba pang programa sa loob mismo ng mga economic zone upang hindi na kailangang lumiban sa trabaho ang mga empleyado. Kasalukuyan din nilang tinutulungan ang mga tricycle at jeepney drivers na nagseserbisyo sa loob ng mga ecozone.
Kaugnay ng panawagan para sa wage increase, sinabi ni Alfante na handang sumunod ang mga kumpanya sa loob ng economic zones sa anumang wage order na ipatutupad ng pamahalaan, batay sa kanyang mahigit dalawang dekadang karanasan sa industriya.
Nagpahayag din siya ng optimismo sa patuloy na paglago ng investments sa ilalim ng PEZA. Aniya, dumarami na ang produksyon, lumalawak ang operasyon ng mga kumpanya, at inaasahang mas marami pang dayuhang mamumuhunan ang papasok sa bansa na lilikha ng dagdag na trabaho.
Ibinunyag din ni Alfante na lumagda na ang Unified Ecozone of the Philippines at PEZA sa isang Memorandum of Understanding (MOU), kung saan kinilala ang kanilang organisasyon bilang Investor Partner upang makatulong sa paghikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas.
Naniniwala si Alfante na sa pagdami ng mga investor ay mas marami ring Pilipino ang magkakaroon ng trabaho at posibleng makahikayat pa sa ilang overseas Filipino workers na bumalik at magtrabaho na lamang sa sariling bayan. Hinikayat din niya ang mga naghahanap ng trabaho na bisitahin ang Facebook page ng Unified Ecozone of the Philippines para sa mga oportunidad sa iba’t ibang economic zones sa bansa.