Advertisers
Advertisers
Advertisers
NANG pumasok ang PrimeWater sa San Jose del Monte, Bulacan noong 2018, nangako itong maglaan ng P6.8 bilyon para magdagdag ng water sources, maglatag ng bagong tubo, at magtayo ng mga pasilidad. Anyare?
Matapos ang pitong taon, P748 milyon lamang ang naiulat na aktuwal na naipuhunan, ayon sa mga naunang balita. Ang laki ng agwat, ‘di ba? Saan napunta ang drawing na bilyon-bilyon?
Ngayon, kulang ang suplay ng lungsod ng tinatayang 70 milyong litro ng tubig o katumbas ng patubig sa 100,000 pamilya araw-araw dahil sa kapalpakan ng PrimeWater.
Nakakapanghinayang tuloy isipin: Kung tinupad lang sana ng PrimeWater ang ipinangako nilang P6.8 bilyon para makapagtayo ng mga bagong pasilidad at makahanap ng mga dagdag na water sources noon palang, umabot kaya ang SJDM sa ganitong matinding krisis ngayon?
Noong Hunyo 2026 lamang pumasok ang Metro Pacific Bulacan Water bilang pansamantalang operator. Ito ngayon ang naghahabol sa pagkukumpuni ng mga tagas, lumang tubo, sirang pasilidad, at kakulangan ng water sources habang lalo pang pinapababa ng El Niño ang suplay mula Angat Dam.
May bago na namang pangako ang bagong may-ari ng PrimeWater na grupo ni Lucio Co: P6.7 bilyon para ayusin ang ngayo’y Hiraya Water. Pero ang pondong ito ay para sa humigit-kumulang 76 water districts. Kung tutuusin, aabot lang ng P88 milyon ang pondo para sa kada water district.
Kung sa SJDM pa lamang ay halos P7 bilyon na ang ipinangako ngunit wala pang P1 bilyon ang nailabas, paano pagkakasyahin ang P6.7 bilyon sa 76 lugar?
Baka bagong pangalan at bagong may-ari lang—pero lumang pangako pa rin. Mismo!
***
MAY mga nagsasabing ang puno ay nakikilala sa bunga nito.
Sa kaso ng mag-inang Senator Loren Legarda at Batangas Representative Leandro Leviste, tila may sariling bersyon ang kasabihang ito. Ang ina ay kilala sa adbokasiya ng pagtatanim ng mga puno. Ang anak naman ay nasasangkot ngayon sa mga alegasyong may kinalaman sa “pagtatanim” ng ebidensya.
Hindi na bago ang hidwaan ng kampo nina Legarda at Executive Secretary Ralph Recto. Matagal nang alam ng mga taga-Batangas ang iringan ng magkabilang panig. Ngunit sa mga nakalipas na buwan, tila lumipat na ang tunggalian mula sa larangan ng pulitika tungo sa mas personal na lebel.
Nauna nang inakusahan ni Leviste si Recto sa social media kaugnay ng umano’y infrastructure budget scandal. Kalaunan, naglabas pa siya ng mga larawang lumabas na AI-generated at iniharap bilang bahagi ng kanyang mga paratang. Hanggang sa puntong iyon ay nanatiling tahimik si Recto.
Ngunit nang magpatuloy ang mga akusasyon, sumagot din si Recto at tinawag si Leviste na “kulang sa pansin, pag-iisip, at pagmamahal.”
Maging sa Senado ay umabot ang tensyon. Habang naghahanap noon ng paraan upang mabasag ang impasse sa pamumuno ni Senator Alan Peter Cayetano, lumabas ang mga ulat na hinihingi ni Legarda ang pagtanggal kay Recto bilang kondisyon sa kanyang pagsuporta sa kabilang panig. Hindi ito pinagbigyan at nanaig ang paninindigan ng kasalukuyang Senate majority.
Mas mabigat ang sumunod na pangyayari. Sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation, nadakip ang isang talent manager kasama ang kanyang “talents”. Sa naging imbestigasyon, sinabi ng talent manager na may plano umanong gamitin ang mga babae upang ma-frame si Recto sa isang kasong may kaugnayan sa human trafficking. Ang alegasyong ito ay iniugnay kay Leviste, at nananatiling bahagi ng isinasagawang proseso ng imbestigasyon.
Kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyong ito, seryosong usapin na ito. Hindi lang ito simpleng bangayan sa pulitika kundi usapin ng paggamit ng mga institusyon at proseso ng batas laban sa isang kalaban.
Hindi rin ito ang tanging kontrobersyang kinahaharap ni Leviste. Kamakailan lamang ay nagpataw ang Department of Energy ng multang nagkakahalaga ng P24 bilyon laban sa Solar Philippines, ang kumpanyang kanyang itinatag, dahil sa hindi pagtupad sa power commitments sa ilalim ng naantalang renewable energy contracts.
Kasabay nito, nakatakda ring sumailalim sa preliminary investigation ng Office of the Ombudsman ang mag-ina kaugnay ng mga reklamong may kinalaman sa umano’y paggamit ng kapangyarihan upang magkaroon ng prangkisa si Leviste at mamonopolyo ang solar power industry.
Ilang taon ang lumipas ngunit hindi rin naisakatuparan ang ipinangakong suplay ng kuryente mula sa solar franchise ni Leviste, dahilan upang makansela ang mga kontrata nito sa gobyerno. Ang tanong ng marami: sino ang sasagot sa mga nawalang oportunidad at sa perwisyong idinulot nito sa publiko?
Hindi pa pinal ang anumang kaso o reklamo. Ngunit kung mapatutunayan ang mga alegasyong ito sa tamang proseso ng batas, nararapat lamang na managot ang sinumang may pananagutan, gaano man kataas ang kanyang posisyon o kalawak ang kanyang impluwensya. Mismo!