Advertisers

Advertisers

LENI: ISA SA MGA UNANG TINIG KONTRA EJKS

0 7

Advertisers

LINAWIN lang: Isa si Leni Robredo sa mga unang tinig laban sa malawakang patayan kaugnay sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga ni Gongdi noong siya ang pangulo. Bilang pangalawang pangulo ni Gongdi, si Leni ang pinakamataas na opisyal ng bansa na bumatikos sa extrajudicial killings (EJKs) na inilunsad ni Gongdi.

Isa ang pagkukulang ni Leni. Hindi siya sumang-ayon o sumama sa plano nina Sonny Trillanes at iba pa sa demokratikong oposisyon na isakdal si Gongdi, Bato dela Rosa, Bong Go, at mga kasama ng crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC). Hindi namin alam kung bakit lumayo si Leni na dalhin sa ICC ang krimen ni Gongdi.

Nararamdaman namin na hindi kabisado ni Leni ang ICC. Wala siyang nalalaman noong mga panahon na iyon kung ano ang ICC at ang silbi nito upang ihinto ang mga EJKs.

Sa isang panayam kay Trillanes na ginamit namin bahagi ng aming aklat na “KILL KILL KILL Extrajudicial Killings in the Philippines; Crimes Against Humanity v. Rodrigo Duterte Et. Al.”, ipinaalam nina Trillanes kay Leni at iba pang mga kasama sa demokratikong hanay ang plano na dalhin sa ICC ang isyu ng EJKs. Malamig si Leni sa plano at totoong dumistansya.

Inamin nsi Trillanes na kahit siya ay hindi alam ang ICC hanggang kinausap siya noong Agosto, 2016 ng isang mambabatas ng European Parliament na nagmungkahi na isakdal nila si Gongdi sa ICC. Pinag-aralan nila sa tulong ng mga manananggol kasama si Rey Robles ang pagsampa sa ICC ng sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi at kasama.

Inabot ng apat o limang buwan ang pag-aaral at pagbuo ng sakdal kontra Gongdi. Naisampa iyon ng ika-4 ng Abril, 2017. Ang namayapang Jude Sabio ang nagsampa ng sakdal sa ICC upang protektahan sina Trillanes at iba pa na nag-aral, bumuo, at nagplano ng sakdal.

Linawin lang: si Leni ang isa sa mga unang tumutol sa EJKs bilang polisiya ni Gongdi sa isyu ng ilegal na droga. Halos isang buwan pagkatapos manumpa bilang pangalawang pangulo, nagpahayag si Leni ng hindi siya payag sa polisiya ni Gongdi at sinabing dapat tugunan ang problema sa droga “with prevention and rehabilitation, not just enforcement.”

Mga dakong Agosto, 2016, inumpisahan ni Leni ang pagbisita sa mga pamilya ng mga biktima ng EJKs sa Quezon City at Caloocan City. Tinulungan niya ang mga pamilya sa pagpapalibing ng mga biktima Hindi niya ginamit ang pondo ng gobyerno dahil “outside da kulambo” siya.

Huwag kalimutan na noong Marso, 2017, o ilang linggo bago isinampa nina Trillanes ang unang sakdal sa ICC, nagpadala si Leni ng isang limang-minutong video clip sa side event sa Vienna ng United Nations Commission on Narcotic Drugs. Tahasang sinabi niya “we have a palit-ulo (exchange heads) scheme where police detain wife/child of suspect if suspect doesn’t surrender.” Mahigit 7,000 ang napatay noong mga panahon na iyon, aniya. Sinabi ni Leni sa video clip na ang mga mahihirap ang apektado ng giyera kontra droga ni Gongdi.

Bilang ganti, tinawag siya ni Gongdi na “hindi tapat” sa tungkulin bilang pangalawang pangulo at tinakot na sampahan ng reklamong impeachment. Sinabihan siya ni Gongdi na huwag dumalo sa miting ng Gabinete. Tumiklop si Leni sa bluff ni Gongdi.

Tumulong si Leni at Angat Buhay at ilang kasamang NGO sa pagdodokumento ng nga EJKs. . Nakipagtulungan ang OVP sa iba’t-ibang kasangga sa pribadong sektor tulad ng De La Salle, Ateneo Human Rights Center, and Free Legal Assistance Group (FLAG). Malayang ginamit ni Leni ang bilang (numero) ng PNP at human rights groups sa mga napatay sa mga talumpati.

Dumating ang punto na humiling si Leni na malayang pagsisiyasat sa Estados Unidos, European Union, at kahit sa UN Human Rights Council tungkol sa lumalang polisiya ni Gongdi sa EJKs. Hindi hayagan ang imbestigasyon ng Estados Unidos at EU.

Noong 2017, humugong ang haka-haka na nakipagpulong si Leni kay Fatou Bensouda,ang ICC prosecutor noong panahon na iyon. Pinabulaanan ni Leni ang pulong umano sa Europa. Walang opisyal na record na nakipagpulong kaninuman sa ICC. Hindi complainant si Leni dahil hindi siya lumagda sa sakdal na inihain sa ICC nina Trillanes laban kay Gongdi.

Dumating ang kasukdulan ng hirangin ni Gongdi si Leni bilang drug czar. Tinanggap ni Leni ang hamon ni Gongdi noong Oktubre 31, 2019 nang sabihin ni Gongdi kay Leni na pangunahan ang giyera kontra droga . “You want, you lead, “aniya.

Noong ika-6 ng Nobyembre, ninombrahan ni Gongdi si Leni bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), ang kalipunan ng 21 ahensya kontra droga. Hindi nagustuhan ni Gongdi ang gawi ni Leni kung saan dumalo sila sa miting ng ICAD at hiningi ang mga datos sa PNP at PDEA sa mga high-value targets, estado ng antidrug war, at budget. Hiningi rin ang listahan ng PNP na kasama sa Oplan Tokhang.

Ayaw ni Gongdi sa mungkahi si Leni na bigyan ng atensyon ang mga malaking supplier at hindi street user. Iminungkahi niya ang paghuli at rehabilitasyon ng mga sangkot sa droga, hindi ang mga patayan. Hindi nagustuhan ni Gongdi ang miting ni Leni sa mga opisyales ng U.S. Embassy at United Nations upang pag-usapan ang tamang praktis sa giyera kontra droga.

Nong, ika-24 ng Nobyembre, 2019, 18 araw pagkatapos na hirangin siya, sinibak ni Gongdi si Leni dahil bigo siya umano sa pagbaka ng droga. Alam ng mundo na hindi totoo ang bintang ni Gongdi. Natakot si Gongdi na mabisto ni Leni ang kanyang kapalpakan.Naging mabisang patibong (decoy) si Leni sa kampanya laban sa giyera kontra droga ni Gongdi. Dahil sa mga pahayag ni Leni, nailatag mabuti ang mga sakdal laban sa kanya sa ICC.

***

HINDI pa tapos ang isyu ng partisipasyon ni Leni sa giyera kontra droga ni Gongdi. Noong ika-2 ng Enero ngayong taon, sinabi ni Sonny Trillanes sa isang tanghalian ng mga demokratikong mandirigma na inilapit nila kay Leni ang sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi upang suportahan at lagdaan. Hindi pumayag si Leni.

Ayon kay Trillanes, pinakiusapan sila ni Leni na huwag ituloy ang sakdal dahil maaaring magalit si Gongdi at saktan ang mga kasama sa oposisyon. Hindi sila pumayag sa nais ni Leni at itinuloy ang sakdal. Sumibol ang sakdal at nakakulong nakakulong si Gongdi sa piitan ng ICC.