Advertisers
Arestado ang 72-anyos na lalaking albularyo ng Cavite Criminal Investigation and Detection Group ( CIDG) nang makuhanan ng tatlong hindi lisensiyadong baril, bala at mga magazine sa isang search warrant operation sa Brgy Kawayan, General Trias City, CaviteKinilala ang suspek na si alyas na “Nilo,” 72-anyos at residente ng nasabing lugar.Sa isang search warrant ang isinagawa ng CIDG Cavite Provincial Field Unit kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban umano sa nasabing albularyo.
Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang isang caliber .45 pistol, isang caliber .357 revolver, isang caliber .22 revolver, gayundin ang mga magazine at iba’t-ibang uri ng bala.
Base sa nakarating na impormasyon kay CIDG Director PMGen. Robert A.A. Morico II, wala umanong kaukulang dokumento o permit ang suspek upang magmay-ari o mag-ingat ng mga nasabing armas na naging dahilan ng pagkakaaresto sa suspek.
Lumabas na kilala umano ang suspek sa kanilang komunidad bilang isang faith healer o albularyo, at bukod sa panggagamot ay sinasabing nag-aalok din ito ng pagbebenta ng mga agimat o anting-anting na umano’y nagbibigay ng proteksyon laban sa tama ng bala.
Nabatid pa sa CIDG, paraan umano ito ng suspek upang hikayatin ang mga mamimili ng baril habang isinasagawa ang demonstrasyon ng bisa ng mga agimat.
Dahil dito, nagdulot umano ng takot ang mga residente dahil sa madalas na pagputok ng baril sa lugar.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 ang senior citizen na albularyo.(Koi Laura)