Advertisers

Advertisers

Pax Silica project sa Tarlac iimbestigahan sa Senado

0 5

Advertisers

PORMAL nang naghain si Senador Imee Marcos ng isang resolusyon na humihiling sa Senado na siyasatin ang magiging epekto ng planong Pax Silica project sa pangangailangan ng bansa sa tubig at kuryente, gayundin sa pangmatagalang epekto nito sa likas na yaman ng bansa.

Ginawa ni Marcos ang panawagan kasunod ng mga ulat na isinasagawa na ang Pax Silica Initiative sa New Clark City, Capas, Tarlac kahit wala pa umanong sapat na konsultasyon sa mga komunidad at feasibility study para sa proyekto.

Layunin ng Senate Resolution No. 547 na palakasin ang umiiral na mga batas at regulasyon ng bansa upang mapangalagaan ang seguridad sa tubig, enerhiya, at pagkain, gayundin ang pagsusulong ng pangmatagalang pangangalaga sa kalikasan.



Partikular na nais niyang masuri ang papel at pakikipag-ugnayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), at National Irrigation Administration (NIA) sa pagpapatupad ng naturang inisyatiba.

Aniya, mahalagang matiyak na ang pagpapatupad ng proyekto ay magiging balanse sa pagitan ng pag-unlad ng ekonomiya at proteksiyon sa kapaligiran at kabuhayan ng mga Pilipino.



Binigyang-diin ng senador na ang pinakamalaking pangamba na inihain ng mga environmental at scientific organizations ay hindi ang mismong teknolohiya, kundi ang napakalaking dami ng tubig at kuryenteng kakailanganin upang mapatakbo ang mga Artificial Intelligence (AI) systems at malalaking data centers.

“Because unlike conventional office buildings, AI data centers and servers inevitably generate intense heat and must be continuously cooled to prevent equipment failure which require vast quantities of clean water, while the servers themselves require a stable and uninterrupted electricity supply 24 hours a day,” wika ni Marcos sa kanyang explanatory note ng SRN 547.



Noong Abril 2026, sumali ang Pilipinas sa Pax Silica Initiative, isang inisyatiba na pinangungunahan ng Estados Unidos para sa seguridad ng Artificial Intelligence (AI) at supply chain.

Layunin ng inisyatiba na balansehin ang pandaigdigang kapasidad sa paggawa ng teknolohiya, partikular sa semiconductor fabrication, pagproseso ng mga computing component, at pagkuha ng mahahalagang mineral o critical earth materials.

Kabilang din sa mga bansang lumahok sa Pax Silica Initiative ang Japan, South Korea, Singapore, United Kingdom, Israel, United Arab Emirates, Australia, Finland, Sweden, Qatar, at India. (Mylene Alfonso)