Advertisers
NAGPASAKLOLO ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa mga iligal na modus sa text na ginagamit ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) bilang clickbait.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, maraming indibidwal ang nakakatanggap ng text na may link ng umano’y penalty na nagkakahalaga ng P1,000.
Aniya, mahigit 180 indibidwal ang nagbayad sa MMDA dahil sa naturang mga text message.
“Kapag clinick niyo ‘yung link, mapupunta kayo sa isang site na parehong-pareho halos ng sa amin. Ang pinagkakaiba lang ‘yung URL, pero sino ba naman ang tumitingin n’un,” ani Artes.
Ibinalik ng MMDA ang natu-rang mga pera sa mga indibidwal na nagbayad ng multa sa ahensya.
Sa kabila nito, posibleng nagbayad ang ilan sa mga site na ipinadala ng mga scammer.
“Imagine ninyo, ‘yung 180 individuals na nagkamali lamang na sa amin nagbayad, imaginin niyo po ‘yung nagbayad sa kanila na napunta sa kanila ‘yung pera. For sure, milyon na po ‘yan,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na titingnan ng NBI Cybercrime Division ang naturang usapin.
“Mayroon na rin kaming mga ganitong na-encounter na problema so we are committed to help,” aniya.
“Mayroon silang mga technology na ginagamit kasi nakaka-text blast sila,” dagdag pa.
Nagbabala naman si Artes sa publiko na ang MMDA ay hindi naglalagay ng mga link sa kanilang text notifications kaugnay sa NCAP.
Wala ring penalty para sa late payment.
“Hindi ko naman sinasabi na huwag kayo magbayad, pero hindi po totoo na may penalty kaming ini-impose for late penalty. Kaya po kapag maka-receive kayo ng ganyan, red-flag po ‘yan,” ani Artes.
Inabisuhan din nito ang publiko na bisitahin lamang ang official site ng MMDA.