Advertisers
INILIPAT na ng Malacañang sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kapangyarihang mag-apruba ng mga kahilingan sa biyahe sa ibang bansa ng mga local officials.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order No. 47, na nagpapahintulot sa kalihim ng DILG na magtalaga ng kinatawan na siyang mag-aapruba ng foreign travel requests ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Inaamyendahan ng AO No. 47 ang Administrative Order No. 267 upang mapabilis ang pagproseso ng dumaraming aplikasyon para sa paglalakbay sa ibang bansa ng mga local government officials.
Ayon sa Malacañang, layunin din ng kautusan na higit pang mapahusay ang burukrasya at gawing mas episyente ang sistema ng pamahalaan, habang nananatili ang maayos na pangangasiwa sa mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code, kailangan pa ring humingi ng pahintulot ang mga lokal na opisyal para sa foreign travel kung ang biyahe ay lalampas sa tatlong buwan, isasagawa habang may state of emergency o krisis, o kung gagamit ng pondo ng pamahalaan.
Magkakabisa ang Administrative Order No. 47 ma-tapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may pangkalahatang sirkulasyon. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)