Advertisers
Ipinangako ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na patuloy na mamumuhunan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pabahay, edukasyon, pangangalagang pangkalusugan at trabaho para sa mga residente, lalo na sa mga bagong nagtapos ngayong 2026.
Sa kanyang pagdalo sa 59th Commencement Exercises ng EARIST na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) nitong Biyernes, muling tiniyak ni Domagoso sa Class of 2026 na makakasama nila ang pamahalaang lungsod habang binubuo nila ang kanilang kinabukasan.
“Sabay-sabay tayong lalaban tungo sa maayos na kinabukasan,” pahayag ni Domagoso sa mga nagsipagtapos at kanilang mga pamilya.
Ayon sa alkalde, mananatiling nakatuon ang lungsod sa tinatawag niyang Minimum Basic Needs o mga pangunahing pangangailangan ng mga Manilenyo—pabahay, edukasyon, healthcare at trabaho—upang patuloy na makalikha ng mga oportunidad para sa mga residente.
Nagbigay rin si Domagoso ng personal na pangako sa mga nagsipagtapos na araw-araw niyang hihilingin ang lakas upang maging mahusay, responsable at maingat na tagapangasiwa ng pondo at iba pang resources ng lungsod.
“Pipilitin ko araw-araw na humiling sa Diyos na bigyan ako ng lakas ng pangangatawan na palaging maging mainam, masinop, at epektibong gagastusin ang resources ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ng alkalde na bagama’t tatahakin na ng mga bagong graduate ang kani-kanilang landas, patuloy namang kikilos ang pamahalaang lungsod upang suportahan ang mga komunidad na kanilang pinagmulan.
“Sasabayan ko kayo habang kayo’y nagbubuti sa inyong kinakaharap sa buhay,” pahayag ni Domagoso.(BP)