Advertisers
SINABI ni House prosecutor Representative Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list na simula pa lamang ang 845 acknowledgment receipts para sa confidential funds na iniharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagsasalita sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Ridon na inaasahang ihaharap ng prosekusyon sa mga susunod na linggo ang mga testigo mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) upang ipakita ang tunay na lawak ng mga iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Naalala ni Ridon na sa mga clarificatory hearing na isinagawa ng House Committee on Justice noong unang bahagi ng taon, isang NBI handwriting expert ang tumestigo na tila isang grupo lamang o iilang tao ang lumagda sa mga acknowledgment receipt.
“Parang isang grupo, iilang tao lang ang pumirma, yung pumirma para sa acknowledgment receipts na ito,” ani Ridon.
Ayon kay Ridon, nangangahulugan ito na bukod sa mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) at sa dalawang desisyon nito, maaari ring kuwestiyunin ang kabuuan ng acknowledgment receipts kapag humarap na sa mga susunod na pagdinig ang PSA at NBI.
Aniya, hindi lamang ang mga pondong na-disallow sa audit ang maaaring kuwestiyunin kundi maging ang kabuuang mga resibo na iisa o iilang tao lamang ang lumagda.
Ayon kay Ridon, ang mga naiharap na ng prosekusyon sa impeachment trial ay mga halimbawa lamang mula sa 845 acknowledgment receipts na inilabas ng OVP at naglalaman ng mga kahina-hinalang pangalan ng mga tumanggap.
Kabilang dito sina Mary Grace Piattos, Renan Piatos, Andy Lim, Alejandro Pikit, Nova Santos, Mico Harina at Patty Ting.
Sa mga pagdinig ng Justice Committee, sinabi ng PSA na wala itong nakitang birth, marriage o death records para sa ilang recipient ng confidential funds na sina Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin at Milky Secuya.
“Para sa libo-libong acknowledgment receipts, dapat iba’t ibang tao ang pumirma rito. Kapag humarap na ang handwriting expert ng NBI, doon makikita na hindi lamang ang mga na-disallow sa audit ang dapat habulin,” ani Ridon.
Sa kasalukuyan, nasa witness stand si COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) supervising state auditor Xylene Mae del Campo, na tumetestigo hinggil sa kanyang mga natuklasan sa paggamit ng confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd).
Si Del Campo ang nagrekomenda ng pagpapalabas ng notice of disallowance na nagkakahalaga ng P448 milyon, mula sa kabuuang P500 milyon na confidential funds na inilaan sa OVP.
Sinabi ni Ridon na malinaw ipapakita ng mga ebidensiya na pangunahing responsable ang Pangalawang Pangulo sa pagpapalabas, paggamit at liquidation ng confidential funds ng kanyang dalawang tanggapan.
“Nakatali ang Pangalawang Pangulo sa P73 milyon sa unang confidential funds. Nakatali ang Pangalawang Pangulo sa kabuuang P448 milyon na pinapasauli ng COA dahil sa maling paggamit ng confidential funds,” diin ni Ridon.