Advertisers

Advertisers

Hemodialysis Center ipinatayo ni Isko sa Pedro Gil Residences

0 5

Advertisers

Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Huwebes ng umaga, Agosto 13, ang groundbreaking ceremony para sa bagong hemodialysis center sa ground floor ng Pedro Gil Residences, isang vertical housing project ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Layunin ng proyekto na mailapit mismo sa mga residente ang serbisyong pangkalusugan, partikular ang dialysis, bilang bahagi ng programa ng lungsod na isama ang mahahalagang serbisyong medikal sa mga pampublikong pabahay.

“Ngayong araw, tayo, ang pribadong sektor at ang inyong pamahalaang lungsod, ay nagkasundo upang mailapit ito sa komunidad,” ani Domagoso.



Ayon sa alkalde, kasalukuyang may mga dialysis facility ang lungsod sa Santa Ana Hospital at Ospital ng Maynila, habang nakatakda ring muling buhayin ang isang pasilidad sa Gat Andres Bonifacio Medical Center upang mas mapalawak ang access ng mga Manilenyo sa dialysis treatment.

Pinasalamatan ni Domagoso ang mga pribadong katuwang ng lungsod, gayundin si Manila Health Department (MHD) Director Dr. Grace Padilla at Department of Health (DOH) consultant Dr. Paz Corrales, sa kanilang naging papel upang maisakatuparan ang proyekto.



Diretsahan ding binigyang-diin ng alkalde ang mabigat na gastusin ng dialysis para sa mga ordinaryong pamilya, na aniya’y maaaring magtulak sa marami sa kahirapan.

“Mahirap ang dialysis. Ang dialysis procedure, napakarami na naging milyonaryo, dumami na po ang milyonaryo sa pagda-dialysis kasi dati silang bilyonaryo,” ani Domagoso.



Ayon pa sa alkalde, bagama’t may kakayahan ang mayayamang pamilya na tustusan ang regular na dialysis, mas mabigat ang epekto nito sa mga mahihirap, kaya mahalagang mailapit ang serbisyo sa kanilang mga tahanan.

“Kaya maraming salamat sa ating partner, sa national government, ang PhilHealth at DOH, patulong natin sila. Ang pribado, national, pribado, lokal, nagsama-sama to deliver services just in your doorstep,” dagdag niya.

Iniugnay rin ni Domagoso ang proyekto sa Minimum Basic Needs o MBN program ng kanyang administrasyon, na nakatuon sa apat na pangunahing pangangailangan—pabahay, edukasyon, healthcare at trabaho—bilang mga haligi ng pag-unlad ng lungsod.

Pinasalamatan din ng alkalde ang konseho ng lungsod sa pag-apruba sa proyekto isang araw bago ang groundbreaking ceremony, gayundin ang mga opisyal ng barangay, health workers at iba pang kawani ng lungsod na dumalo sa kabila ng malakas na ulan.(BP)