Advertisers
Ni Anne Venancio
Magkakaroon ng world premiere sa Los Angeles ang Kappa-Tiran, sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan at produksyon ng Mamay Productions ni Hon. Marcos Mamay, bilang bahagi ng Manila International Film Festival (MIFF) sa Setyembre 3–6, 2026. Gaganapin ang screening sa TCL Chinese Theatre sa Hollywood, habang ang closing-night gala ay sa The Beverly Hilton sa Beverly Hills.
Umiikot ang istorya ng Kappa-Tiran ang kontrobersiyal na mundo ng fraternities at sororities.
Bida sa pelikula sina Ejay Falcon, Sheryl Cruz, Bembol Roco, Julio Diaz, Patricia Javier, Sam Coloso at Aljur Abrenica. Kabilang din sa cast sina Marvin Diamante, Bernie Batin, Mygz Molino, Darwis Ismaeili, Evander Cañete, Romark Rosita, Mad Ramos, Emjay Macalintal, Emerson Capule, Zandro Salgado, Julian Roxas, Jimsen Jison, Andre Cue, Howell Liao, Chelsea De Guia, Santi Delgado, Shiela Lintan at Lheng Divinagracia. May special participation naman dito si Hon. Marcos Mamay.
Malaki ang pasasalamat ni Mayor Mamay sa pagkakataong maipakita ang Kappa-Tiran sa isang international film festival sa Los Angeles.
“Malaking karangalan para sa buong production team ang maipakita ang Kappa-Tiran sa Los Angeles. Nagpapasalamat kami sa organizers ng MIFF sa pagkakapili sa aming pelikula at sa pagkakataong maipakita ang talento ng mga Pilipinong artista at filmmaker. Isa rin itong paraan upang higit na mamulat ang mga kabataan tungkol sa mga isyu sa fraternities at sororities,” pahayag ni Mayor Mamay.
Dagdag pa ni Ms. Sheryl, “Sobrang excited ako na um-attend ng World Premiere ng Kappa-tiran. Masaya ako na ma-meet ang mga kababayan natin doon. Iba ang feeling kapag ang isang pelikulang ginawa natin dito sa Pilipinas ay maipapakita sa international audience.”
Samantala, nauna nang ginawaran si Mayor Mamay ng International Vanguard Award for Excellence in Public Service and Local Governance sa 3rd AMHUMAN International Vanguard Awards 2026, kung saan nagsilbi rin siyang guest speaker.
Tumanggap din ng pagkilala ang apat na aktor ng Kappa-Tiran. Ginawaran si Bernie P. Batin ng AMHUMAN Vanguard Comedy & Entertainment Excellence Award, habang si Marvin Diamante ay tumanggap ng Chairman’s Citation for Excellence in Modeling and International Pageantry. Kinilala rin si Emerson Capule bilang Influencer of the Year – Corporate and Entertainment, habang si Darwis Ismaeili ay pinarangalan ng International Distinction in Fashion Design and Modeling Award.
Ang mga parangal na ito ay nagsisilbing dagdag na inspirasyon sa Mamay Productions at sa buong Kappa-Tiran team habang naghahanda sila para sa kanilang pagpunta sa Los Angeles.