Advertisers
INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) na maghihigpit ang ahensya sa mga hakbang sa pananagutan ng mga tauhan nito kaugnay sa hindi maayos na pagtatago ng kanilang mga baril.
Layon nito na maiwasan ang pagkakaroon ng access ng mga bata at iba pang hindi awtorisadong tao sa mga baril na inisyu sa mga pulis.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang mga commander sa buong bansa na paalalahanan ang lahat ng tauhan ng pulisya na maging responsable sa pagtago ng kanilang mga baril lalo na kung sila ay naka-duty at nasa bahay.
Kung saan isasagawa ang nasabing paalala sa panahon ng mga unit briefing at formation ng mga pulis.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng suporta ang PNP sa mga istriktong pananagutan sa mga may-ari ng baril kung saan sinabi pa nito na isang non-negotiable na bagay ang responsableng pagtago ng baril.
Ang pahayag na ito ni PNP Chief ay kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga baril na ipinagkaloob sa mga kawani ng pamahalaan.