Advertisers

Advertisers

MAYNILA, PINABILIS ANG AYUDA SA 27 BARANGAY NA TINAMAAN NG BAHA

0 10

Advertisers

Sa gitna ng matinding pagbaha dulot ng Habagat, agad na pinakilos ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mekanismo para mapabilis ang pagpapalabas ng calamity funds para sa 27 barangay na matinding naapektuhan ng kalamidad.

Sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na agarang matulungan ang mga apektadong Manileño, mabilis na nagpatawag ng special session ang 13th City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Chi Atienza at ipinasa ang Resolution No. 5, Series of 2026.

Ang resolusyon, na inakda ni Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco, ay naglalayong gawing mas mabilis ang legal na proseso para magamit ng mga apektadong barangay ang kanilang calamity funds.

Kabilang sa mga idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity ang Barangay 101, 105, 195, 199, 213, 214, 215, 216, 217, 292, 313, 314, 327, 330, 432, 598, 600, 602, 607, 649, 686, 738, 800, 884, 893, 895 at 903.

Sa ilalim ng hakbang, maaaring gamitin ng mga barangay ang kanilang calamity funds para sa pagbili ng lutong pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng baha.

Ayon kay Yupangco, hindi lamang pormalidad ang deklarasyon ng State of Calamity kundi isang konkretong hakbang upang matiyak na mabilis na makararating ang kinakailangang tulong at resources sa mga komunidad na sinalanta ng baha.

Aniya, mahalagang mabilis na tumugon ang pamahalaan sa panahon ng sakuna, lalo na sa mga residenteng higit na nangangailangan ng tulong.
***
Samantala, buong suporta naman ang ipinahayag ni Vice Mayor Atienza sa resolusyon habang pinuri ang pagtugon ni Mayor Isko sa epekto ng pagbaha.

Sinabi ni Atienza na bagama’t walang perpektong gobyerno, nakita niya ang pagsisikap ng alkalde na mapabilis ang paglutas sa problema sa baha, kabilang ang paglilinis at pagsasaayos ng mga drainage.

Ipinaliwanag din niya na nakadagdag sa pagpasok ng tubig sa lungsod ang pagbubukas ng mga floodgate dahil sa pangangailangang magpakawala ng tubig.

Gayunman, iginiit ni Atienza na mabilis ding naibsan ang baha dahil sa maagap na pagkilos ng administrasyon.

Aniya, ang mga lugar na binaha noong nakaraang araw ay malaki na ang ibinaba ng tubig at nalinis na, kumpara sa posibleng mas matagal na pagresolba sa ganitong sitwasyon noong mga nakaraang taon.

Tiniyak din ng alkalde na may sapat na gamot laban sa leptospirosis ang mga health center at ipinagpatuloy ang serbisyo ng ilang tanggapan kahit kasabay ng masamang panahon.

Nilinis din ang mga kalsada, footbridge at maging ang Baseco Beach.
***
Sa mabilis na pagkilos ng Konseho sa gitna ng kalamidad, pinuri ni Atienza ang mga konsehal na dumalo sa special session sa kabila ng masamang panahon, na aniya’y patunay na patuloy na gumagana ang buong pamahalaang lungsod sa panahon ng krisis.

Ilang konsehal ang naglahad din ng kanilang obserbasyon sa naging epekto ng baha sa kani-kanilang distrito.

Sabi nina Councilor Atty. Jaybee Hizon at Councilor Elmer Par, nagpapatuloy ang lingguhang paglilinis ng mga drainage tuwing Sabado ngunit maaari pa ring bumaha kapag napuno ang mga creek at mataas ang tubig sa Pasig River.

Naniniwala si Par na bukod sa malakas na ulan ay nakaapekto rin sa pagbaha ang pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam.
***
Sa mga nagtatapon ng basura, nanawagan si Councilor Lou Veloso ng mas mabigat na parusa laban sa mga patuloy na maling nagtatapon ng basura na nagiging sanhi ng pagbabara ng mga kanal.

Giit niya, hindi dapat manatili sa multa lamang ang parusa dahil maaaring maging sanhi ng pagkamatay ang pagbaha na pinalalala ng baradong drainage.

Sabi naman ni Councilor DJ Bagatsing, kapansin-pansin ang mas mabilis na paghupa ng baha sa mga dating kritikal na lugar, kabilang ang España Boulevard.

Aniya, bagama’t mabilis pa ring tumaas ang tubig sa lugar, mas mabilis na rin itong humuhupa kumpara noon.
***
Sa pagpasa ng resolusyon, maaari nang ma-access ng mga apektadong barangay ang kanilang calamity funds para sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga residente.

Pinapayuhan ang mga kinatawan ng mga barangay na magtungo sa City Council Secretariat upang kumuha ng certified true copy ng resolusyon at isumite ito sa budget office para sa pagpapalabas ng pondo.

Tiniyak naman ni Atienza na maaari pa ring mabigyan ng calamity assistance ang mga barangay na hindi kasama sa unang listahan.

Kailangan lamang nilang magtungo sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) upang ma-certify ang kanilang barangay. Kapag nakumpleto ang certification, agad na ipoproseso ng City Council ang kinakailangang hakbang para sa pagpapalabas ng kanilang calamity funds.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.