Advertisers

Advertisers

SA BULACAN RAID, SINO ANG NAGSASABI NG TOTOO?

0 6

Advertisers

May malaking tanong ngayon matapos ang raid sa isang warehouse sa Sta. Maria, Bulacan na sinasabing naglalaman ng iligal na sigarilyo: Ano nga ba talaga ang nangyari?

Dalawang bersyon daw ang lumalabas tungkol sa operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).

Ayon sa isang post ni veteran broadcaster Ramon Tulfo, binanggit na hinaras at dinisarmahan ang mga tauhan ng BOC habang nagsasagawa raw ng operasyon ang Regional Highway Patrol Unit-National Capital Region (RHPU-NCR).

Pero taliwas dito ang spot report ng HPG-NCR, na nagsasabing lehitimo ang kanilang operasyon at may mga dokumentong sumusuporta rito.

Kaya ngayon, hindi maiiwasang magtanong ang publiko: Sino ang nagsasabi ng buong katotohanan?

Hindi sapat ang social media post para humatol, pero hindi rin sapat ang isang ulat para agad isara ang usapin.

Mas sensitibo ang kaso dahil katabi raw ng ni-raid na warehouse ang pasilidad na ginagamit ng BOC bilang condemnation site ng mga nakumpiskang kontrabando.

May alegasyon din na ilang kawani ng BOC ang sangkot daw sa pagbebenta ng iligal na sigarilyo.

Pero hanggang walang matibay na ebidensya, alegasyon pa rin ito.

Kung lehitimo ang operasyon ng HPG-NCR, dapat ilabas ang mga dokumentong magpapatunay nito.

Kung may maling ginawa ang sinumang tauhan ng HPG o BOC, dapat ding pangalanan at papanagutin sila.

Ang mas mahalaga, dapat maging patas ang imbestigasyon at walang institusyong pinapaboran.

Hindi rin ito ang unang pagkakataong nasangkot ang ilang kawani ng BOC sa mga alegasyon ng korapsyon at smuggling.

May nauna ring reklamo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa mga concerned officials, employees at stakeholders ng BOC tungkol sa pagbabalik daw ng talamak na smuggling sa mga pantalan.

Kabilang naman daw dito ang mga naunang reklamong may kaugnayan kina dating Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) field station chief Paul Oliver Pacunayen at CIIS Director Thomas Narcise.

Sa totoo lang, matagal nang hinihintay ng publiko ang resulta ng mga naturang imbestigasyon, kabilang ang ipinangakong aksyon ng BOC kung may mapatutunayang paglabag.

Kaya dapat lamang tanungin si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno: Ano na ang resulta? May mananagot ba, o tuluyan na namang malulunod sa limot ang usapin?

Kaya sinasabing sa huli, hindi dapat BOC kontra HPG ang labanan.

Aba’y siyempre, ang dapat manalo rito ay ang batas, katotohanan at interes ng publiko.
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.