Advertisers
Hinimok ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga kabataan na ipakita ang pagmamahal at paggalang sa mga nakatatanda, sa ginanap na “Teknolodi Fest 2.0” nitong Agosto 27 sa San Andres Sports Complex.
“Kahit nasa highly urbanized city tayo, mahal at pinahahalagahan pa rin ng mga Manileño ang ating mga magulang at elders”, punto ng alkalde
Hinikayat niya ang mga kabataan na huwag sayangin ang pagkakataon na magpasalamat sa kanilang mga magulang habang kasama pa sila.
“Wag niyong sayangin itong oportunidad na ‘yun to say ‘I love you,’ say ‘thank you,'” aniya.
Nagbabala rin siya na kapag wala na ang mga magulang, hindi na mababawiang pasasalamat na hindi nasabi.
Binatikos din niya ang “sense of entitlement”ng ilang kabataan, at sinabing karamihan ng natatanggap mula sa magulang ay pribilehiyo, hindi karapatan.
Ibinahagi ni Mayor Isko ang kanyang sariling karanasan bilang maagang nawalan ng magulang, at pinasalamatan ang mga tumulong sa kanya para marating ang kinalalagyan niya ngayon.
Ang Teknolodi Fest 2.0 na may temang “Digital Nation Builders: Leading with Humanity in the Age of Artificial Intelligence” ay pagtatapos ng Buwan ng Kabataan 2026 ng Maynila.
Pinangunahan ito ng Manila YDWB at dinaluhan ng mga SK officials, student councils, at youth leaders mula District 1-6.
Tinalakay dito ang responsableng paggamit ng AI at teknolohiya, online safety, at youth leadership. (Jocelyn Domenden)