Advertisers

Advertisers

MARCOS, GINAWARAN NG HONORARY DOCTOR OF LAWS NG PLM

0 5

Advertisers

Iginawad kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang honorary Doctor of Laws, Honoris Causa, ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa ika-58 commencement exercises nito nitong Huwebes, Agosto 27, sa Philippine International Convention Center (PICC).

Binasa ni PLM University President Atty. Domingo Y. Reyes Jr. ang diploma at pormal na iginawad kay Marcos ang honorary degree sa ngalan ng Board of Regents.

Pinangunahan naman ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagsusuot ng academic regalia kay Marcos, katuwang si Reyes. Matapos nito, pormal na ipinakilala ni Domagoso ang Pangulo sa Class of 2026 bago ito nagsalita bilang panauhing tagapagsalita.



Ayon kay Marcos, tinanggap niya ang pinakamataas na honorary degree ng PLM nang may pasasalamat at pagpapakumbaba, kasabay ng pagkilala sa responsibilidad na kaakibat nito.

Sinabi ng Pangulo na ang pagkilalang ito ay nagpapatibay sa prinsipyong kapwa pinahahalagahan ng kanyang administrasyon at ng PLM—na ang edukasyon ay dapat manatiling daan tungo sa oportunidad, susi sa pag-unlad at pundasyon ng pagbuo ng bansa.



Iniugnay rin ni Marcos ang parangal sa tema ng 58th commencement exercises ng PLM na “Mga Makabagong Pantas: Taglay ang Karunungan Tungo sa Kadakilaan at Kaunlaran.”

Hinimok niya ang mga nagsipagtapos na gamitin ang kanilang kaalaman para sa kapakanan ng iba at sa pag-unlad ng bansa.



“Gamitin ang inyong natutunan upang makatulong sa pagbuo ng mas matatag, mas maunlad at mas makataong Pilipinas,” ani Marcos.

Nagtapos ang kanyang mensahe sa pagbati: “Mabuhay ang PLM. Mabuhay ang Bagong Pilipinas.”(BP)