Advertisers

Advertisers

Kapag Estado naging sandata sa ‘gera ng bakal’

0 5

Advertisers

MAY nakaaalarmang nangyayari ngayon sa industriya ng bakal sa bansa.

Ang kampanya laban sa mga hindi ligtas na produkto ay mukhang nauuwi na sa isang away-negosyo, kung kailan ang mabigat na kapangyarihan ng pamahalaan ay tila kumampi at ginamit para paboran ang iisang kampo lamang habang ginigipit ang iba.

Nasa gitna nito ang matinding banggaan ng dalawang grupo: ang Philippine Iron and Steel Institute (PISI), kasama ang pinakamalaking producer ng bakal na SteelAsia at ang Philippine Induction Smelting Industry Association (PISIA), na binubuo ng malalayang kompanya tulad ng Davao Mighty Steel, Phil Sanjia, Chuangxing, Keim Hing, Lian Sheng, Melters Steel, Metrodragon, Phil. Koktai, South Luzon Steel, at Wan Chiong.

Matagal nang mainit na isyu ang sistema ng paggawa ng bakal. Taong 2018 pa nang hilingin ng PISI sa gobyerno na ipagbawal ang paggawa ng bakal gamit ang induction furnace, isang proseso ng pagtunaw ng lumang bakal gamit ang electromagnetic induction imbes ang nakasanayang electric arc.

Pero noong panahong iyon, nagpasya ang Department of Trade and Industry (DTI) na huwag itong i-ban, basta sumusunod ang mga produkto sa tamang pamantayan o Philippine National Standards (PNS). Dahil dito, nagpatuloy nang legal ang operasyon ng mga plantang gumagamit ng nasabing sistema.

Pero nagbago ang ihip ng hangin nang makialam na ang isang inter-agency task force sa pangunguna ng Department of National Defense (DND) sa ilalim ni Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Jr., kasama ang PAOCC, NBI, at AFP.

Sunod-sunod ang naging marahas na pagsalakay sa mga planta ng mga miyembro ng PISIA. Ang pakikisali ng DND sa mga operasyong ito ay umani ng matinding batikos. Bakit ginagamit ang lakas ng militar sa mga away-negosyo, parang may sarili tuloy na pribadong hukbo ang ilang makapangyarihang korporasyon?

Dito pumapasok ang tanong ng publiko kung may pinapaboran ba. Kapag ipinasara o pinahirapan ang mga kalaban ng SteelAsia, tiyak na sila na lamang ang kokontrol sa merkado. Mawawalan ng totoong kompetisyon, at magkakaroon sila ng malaking kapangyarihan sa pagtatakda ng presyo ng bakal sa lokal na pamilihan.

May lumabas din, ulat na posibleng may kinalaman sa personal na relasyon. Ang Chairman at CEO ng SteelAsia na si Benjamin Yao ay dating kaklase ni Secretary Teodoro sa Xavier School. Kahit hindi naman bawal ang magkaibigan o magkaklase, kailangan linawin ni Teodoro kung bakit ang sarili niyang ahensiya ay direktang nakikialam sa isang isyu ng negosyo na tuwirang pabor sa kanyang kakilala. Hindi naman siguro pumabor at sa halip, nagkataon lang kakilala. Masyado naman kayong mapaghinala. Hehehe…

Mas lalo pang lumitaw ang kahina-hinalang sistema sa kaso ng Philippine Sanjia Steel Corporation sa Misamis Oriental. Dinakip sa isinagawang raid ang 69 banyagang manggagawa sa akusasyong may kinalaman sa ilegal na operasyon at iba pang paratang, at sapilitang ipinasara ang planta.

Ngunit, kalaunan ay inutos ng Department of Justice (DOJ) na palayain ang lahat ng mga naarestong empleyado dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya. Malinaw na lumabas na mahina ang kaso laban sa kompanya.

Sa kabila ng pagpapalaya sa mga manggagawa at kawalan ng ebidensiya ay nanatiling sarado ang operasyon ng Sanjia na malinaw na pagkitil sa kabuhayan at pagyurak sa due process dahil nagdulot na ito ng kawalan ng trabaho sa daan-daang manggagawa.

Kabaliktaran ito ng nangyari sa Keim Hing Steel sa parehong lalawigan, kung saan mga tauhan lamang ng lokal na pamahalaan at environmental officers ang nag-inspeksiyon at nakitang sumusunod naman sila sa batas.

Isa pang malinaw na kontradiksiyon ay ang isyu ng radioactive materials. Ginamit itong dahilan ng task force para i-raid ang ibang planta dahil daw sa panganib nito sa publiko.

Pero ang totoo, mismong ang dambuhalang SteelAsia ay nasangkot din noon sa matinding isyu ng kontaminadong zinc dust na may Caesium-137, isang mapanganib na radioactive material, na ibinalik ng Indonesia sa Filipinas kung saan tahasang tinukoy ang SteelAsia bilang pinagmulan nito.

Ang malaking ipinagkaiba at kawalan ng katarungan, ang SteelAsia ay hiningan lamang ng simpleng paliwanag ng mga kinauukulan at hindi pinilit isara o i-raid nang may dalang mga armadong sundalo tulad ng ginawa sa mga maliliit na kakompetensiya. Nasaan ang pantay na hustisya?

Ginamit din dahilan ng PAOCC ang malakas na lindol sa General Santos City at Sarangani para sisihin ang Davao Mighty Steel sa mga nasirang gusali gaya ng Jollibee/FitMart Commercial Building at NDDU Elementary building, dahil daw sa paggamit ng mahinang bakal.

Pero may malaking problema sa kuwentong ito na hindi tugma sa totoong panahon.

Ang Jollibee/FitMart sa Pioneer Avenue ay binuksan noong Agosto 1998.

Ang gusali ng NDDU Elementary ay natapos noong Hunyo 2008.

Ang Davao Mighty Steel Corporation ay naitatag lamang noong 2012.

Paano masisisi ang isang kompanya na itinatag noong 2012 sa mga gusaling itinayo noong 1998 o 2008? Samantala, ang SteelAsia ay matagal nang malaking higante at supplier.