Advertisers
Mahigit 24,000 persons with disabilities (PWDs) sa Parañaque City ang tatanggap ng P3,000 cash assistance sa ilalim ng programang suportang pinansyal ng pamahalaang lungsod.
Sinabi ni Mayor Edwin Olivarez na ang bawat benepisyaryo ay tatanggap ng P2,000 para sa mga pangangailangang medikal at pagkain, P500 bilang regalo sa kaarawan, at isa pang P500 bilang aginaldo.
Noong Huwebes, Setyembre 10, may kabuuang 3,378 PWD mula sa Barangay BF Homes ang nakatanggap ng tulong habang patuloy ang pamamahagi ng lungsod sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ang mga PWD mula sa Barangay Don Galo, La Huerta, Sto. Niño, at Vitalez ay kabilang din sa mga nakatanggap ng cash assistance.
Sinabi ni Olivarez na ang programa ay naglalayong magbigay ng direktang suportang pinansyal sa mga PWD, partikular sa mga nangangailangan ng tulong sa mga gastusing medikal at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
Upang gawing mas maginhawa ang pamamahagi, ang ilang mga benepisyaryo ay tumanggap ng tulong sa pamamagitan ng kanilang mga nakarehistrong GCash account na naka-link sa kanilang HELP Citizen Cards. (RONALD BULA)