Advertisers
PINAG-AARALAN na umano ng Senado ang posibilidad na pormal na ipatupad ang “no-work, no-pay” rule para sa mga senador na lumiliban nang walang pahintulot, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Lacson, marami umano sa mga senador ang nakahilig na amyendahan ang Senate rules upang magkaroon ng opisyal na mekanismo para suspindihin o ihinto ang suweldo at allowance ng mga miyembrong may unauthorized absence.
Giit nito, hindi sapat na kusang loob lamang na hindi kunin ng isang senador ang kaniyang suweldo habang lumiliban.
Dapat aniyang magkaroon ng pormal na abiso sa Land Bank of the Philippines at sa Treasury para opisyal na masuspinde o matigil ang pagbabayad ng suweldo sa naturang senador.
Naging usapin ito kasunod ng matagal na pagliban ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi na pumasok sa Senado mula Nobyembre 2025, maliban sa ilang araw noong Mayo.
Batay sa mga ulat na lumabas, kusa umanong hindi tumatanggap si dela Rosa ng kaniyang suweldo at allowance habang hindi siya pumapasok.
Nagtatago si dela Rosa matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya ang International Criminal Court.
Samantala, sinabi ni Lacson na ang pangunahing hadlang sa agarang pagkilos ng Senado ay ang masikip na iskedyul nito.
Bukod sa regular na trabaho sa lehislatura, abala ang mga senador sa pagsusuri at paghahanda para sa pagpasa ng 2027 national budget at sa paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Dahil dito, hindi pa aniya maiskedyul ang ethics hearing na maaaring tumalakay sa usapin.