Advertisers
MARIING iginiit ng House prosecution panel na may nakikitang mga elemento ng umano’y panloloko sa paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds sa Office of the Vice President at Department of Education sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, kuwestiyonable ang ilang dokumentong ginamit upang bigyang-katwiran ang paggastos, kabilang ang mga acknowledgment receipt na may mga pangalang walang katumbas na rekord, menor de edad, o mga taong matagal nang patay.
Sa pagdinig, sinabi rin ng dalawang opisyal ng Army na ang kanilang mga sertipikasyon tungkol sa Youth Leadership Summit ay hindi nangangahulugang pinondohan ito ng confidential funds ng Department of Education.
Kinumpirma rin ng dating DepEd official na si Michael Poa na walang confidential funds ng DepEd na ibinigay sa Armed Forces of the Philippines para sa mga naturang aktibidad.
Itinuro rin ni Rep. Adiong ang mga findings ng Commission on Audit (COA) na kumukuwestiyon sa dokumentasyon ng mga gastusin. May ilang gastos ding na-disallow at maaaring kailangang ibalik sa gobyerno.
Natapos na ng House prosecution ang paglalahad ng ebidensya para sa Article I at nakatakda namang talakayin ang alegasyon tungkol sa unexplained wealth. May pagkakataon pa ang kampo ni Duterte na sagutin at ipaliwanag ang mga alegasyon.
“Una may falsity of representation, ibig sabihin base po doon sa ating narinig sa mga naging testimonya at ebidensya nung two Army officers, sinasabi nila yung certification ay hindi dapat gamitin na magpatunay na ito ay isang evidence na sumusuporta sa pagiging successful yung Youth Leadership Summit na according po sa DepEd ay ginamit para doon sa confidential activity,” sinabi ni Rep. Adiong.