Advertisers
TINAWAG na “red flag” ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ang iniulat na mga kontrata ng GenCorp Industries Inc. sa pamahalaan matapos lumitaw ang pangalan ng kumpanya sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte bilang negosyong mayroon siyang bahagi.
Iniulat ng Rappler na nakakuha ang GenCorp ng tinatayang P15.02 milyon halaga ng kontrata mula sa Davao City Hall at regional office ng PhilHealth sa Davao mula 2022 hanggang 2025. Kabilang dito ang P14.32 milyon mula sa pamahalaang lungsod at P696,829 mula sa PhilHealth.
Sa isang press briefing, tinanong si Ortega tungkol sa ulat hinggil sa mga kontrata ng GenCorp para sa pagkain at catering.
“Well, red flag ‘yan,” ani Ortega, bago ipaliwanag ang isang uri ng procurement arrangement sa pagitan ng supplier at lokal na pamahalaan na aniya ay dapat pagtuunan ng pansin.
Ang mga halagang ito ay iniulat na halaga ng mga kontrata at hindi personal na kita ni Duterte. Nakasaad sa mga kopya ng SALN ang kanyang idineklarang interes sa negosyo, ngunit hindi nito pinatutunayan kung magkano ang aktuwal niyang natanggap mula sa kumpanya.
Tinalakay rin ni Ortega ang mga gawain kungsaan ang mga supplier ay gumagamit ng magkakaibang pangalan ng korporasyon ngunit sinasabing nasa iisang kontrol. Gayunman, wala siyang tinukoy na dokumentong nagpapatunay na ganito ang sitwasyon sa GenCorp.
Sa 2024 at 2025 SALN ni Duterte, nakalista siya bilang stockholder ng GenCorp at nakasaad na 2013 ang taon nang makuha niya ang naturang interes. Nakalagay rin sa dalawang filing ang dating pangalan ng kumpanya na Timesquare Bee Foods Corp. at Great Jolly Times Food.
Iniulat din ng Rappler ang pagkakaiba sa pagitan ng deklarasyon ni Duterte at ng corporate records na hindi naglilista sa kanya bilang shareholder o opisyal ng kumpanya.
Sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Paolo Panelo, itinanggi ng kampo ni Duterte na ginamit niya ang kanyang posisyon o impluwensiya upang makakuha ng mga kontrata para sa isang pribadong kumpanya. Sinabi rin nilang tatalakayin ang mga isyung ito sa impeachment proceedings.
Sa parehong press briefing, iniugnay naman ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. ang usapin ng confidential funds sa Geometry Security and Investigation Agency Inc., isang negosyong nakalista sa ilalim ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio at idineklara sa SALN ng Bise Presidente.
“So ang tanong ko, bakit kailangan pa niya ng confidential fund?”, tanong ni Abante.
Kinilala naman ni Ombudsman central records official Atty. Karen Batu ang Geometry bilang isa sa mga negosyong idinagdag sa 2023 SALN sa pagdinig.
“Para po sa 2023 SALNs, bukod doon sa mga nabanggit ko sa 2022 SALN, ito po yung mga nadagdag: Mati City Ice Plant and Cold Storage Incorporated, Amianan Shores Incorporated, at Geometry Security and Investigation Agency Incorporated,” ani Batu.
Sa 2024 at 2025 SALN, nakalista ang Geometry sa business interests ni Manases Carpio, kungsaan nakasaad na siya ay shareholder at 2023 nang makuha ang naturang interes. Dahil dito, ang ahensya ay idineklarang business interest ng asawa ni Duterte at hindi nakalista sa sariling pangalan ng Bise Presidente.
Tinanong ni Abante kung may confidential funds na napunta sa naturang ahensya. Wala siyang ipinakitang payment record o transaksiyon na magpapatunay na may naturang paglilipat ng pondo.
“So, gusto kong malaman kung saan ginamit ang confidential fund?” tanong ni Abante