Advertisers

Advertisers

MANILA NAGBUKAS NG DEDICATED MUSLIM PRAYER ROOMS SA SM MANILA AT SAN LAZARO

0 2

Advertisers

Opisyal na inanunsyo ng Manila City Government ang pagkakumpleto ng matagal nang hinihintay na dedicated Muslim prayer rooms sa loob ng SM Manila at SM San Lazaro.

Bago ang pagbubukas kahapon, nagsagawa ng final walkthrough si Vice Mayor Chi Atienza sa bagong tapos na pasilidad sa SM City Manila noong Setyembre 15.

Kinumpirma niya ang sabay na pagbubukas ng kaparehong sacred space sa SM City San Lazaro para masigurong handa na ang mga pasilidad na ito para sa komunidad.

Binigyang-diin ng bise alkalde na ang milestone na ito ay pagpapatuloy ng inclusive governance ni Mayor Isko Moreno.

Pinuri niya ito sa paglatag ng pundasyon para sa religious inclusivity sa lungsod, at binigyang-diin ang kanyang makasaysayang inisyatiba na magtayo ng kauna-unahang Muslim cemetery sa Maynila.

“Simula pa noong umpisa, talagang importante sa amin ni Yorme Isko Moreno Domagoso ang aming mga kapatid na Muslim,” ani Atienza sa kanyang inspeksyon.

“Si Yorme rin ang pinaka-unang alkalde na nakapag-isip na magtayo ng isang Muslim cemetery para sa ating mga kababayan na Muslim na dito sa Maynila.”

Ipinaliwanag niya na ang bagong tapos na prayer rooms ay katuparan ng pinagsamang pangako ng administrasyon sa komunidad ng Muslim, upang matiyak na mayroon silang disenteng at accessible na lugar para sa kanilang pang-araw-araw na pagdarasal.

“Sa administrasyon na ito, isang bagay na pinangako namin ni Yorme ay mabigyan sila ng mga prayer rooms para sa ganon, pag sila ay umiikot sa mga pampublikong lugar dito sa Maynila, makakapagdasal sila nang taimtim,” ani Atienza.

“Dahil importante po para sa amin na mabigyan sila ng tamang area.”

Ang mga natapos na espasyo ay direktang resulta ng isang taong inisyatiba ng pamahalaang lungsod katuwang ang SM Supermalls,na opisyal na nagsimula sa site inspections noong Setyembre 2025.

Upang matiyak ang lubos na kaginhawaan ng mga mall-goers, hiniling ng lungsod sa pamunuan ng mall na palakihin ang orihinal na sukat ng mga kwarto, na dinoble bago ito makumpleto.

Matatagpuan ang mga ito sa 5th Floor ng SM City Manila at Upper Ground Floor ng SM City San Lazaro, na may hiwalay na bahagi para sa mga lalaki at babae.

Kumpleto ito sa dedicated ablution areas para sa ceremonial cleansing ng kamay at paa, at ang prayer spaces ay wastong nakaharap sa Mecca.

“Dito po sa Maynila, talagang tinatayuan namin ang aming sinabi simula pa lang ng umpisa na inklusibong-inklusibo ang gobyerno,” aniya.

“Kaya maraming, maraming salamat po, SM. Totoo naman at nakikita namin na SM truly cares,” pagtatapos niya.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor, patuloy na tinutulay ng Manila City Government ang agwat sa komunidad — patunay na ang isang progresibong kabisera ay nangangahulugan ng paglikha ng mga espasyo at pagpapatupad ng mga patakaran na magsisilbi sa pang-araw-araw na pangangailangan ng lahat ng residente, anuman ang sektor o background. (Jocelyn Domenden)