Advertisers

Advertisers

P75-M DONASYON KAY MARCOLETA, PANG-KAMPANYA, HINDI PERSONAL NA PERA — MGA DOKUMENTO, TESTIMONYA

0 11

Advertisers

MANILA — Pang-kampanya at hindi personal na pera ni Sen. Rodante D. Marcoleta ang P75 milyong donasyon na ibinigay sa kanya ng mga negosyanteng sina Mike Defensor, Joseph Espiritu at Aristotle Viray para sa kanyang 2025 senatorial bid, batay sa mga notarized deed of donation at mga testimonya sa bail hearings kaugnay ng plunder case laban sa senador at tatlong donors.

Sa mga dokumentong nakuha ng media, nagbigay si Defensor ng P30 milyon, si Espiritu ng P25 milyon at si Viray naman ng P20 milyon.

Ang mga deed of donation, na ginawa noong Enero 6, Enero 8 at Enero 9, 2025, ay malinaw na nagsasabing ibinigay ang pera bilang suporta sa posibleng kandidatura ni Marcoleta sa May 12, 2025 elections.

Kinumpirma rin sa korte ng prosecution witness na si Office of the Ombudsman Field Investigation Bureau Director Maria Melinda Mananghaya-Henson na mukhang magkakapareho ang tatlong deed of donation, indikasyon na pareho rin ang terms ng mga donasyon nina Defensor at Espiritu.

Taliwas ito sa posisyon ni Marcoleta sa Commission on Elections (Comelec) na ang mga naturang pondo ay kanyang “personal” na pera — paliwanag na ginamit niya kung bakit hindi isinama ang mga donasyon sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.

Mismong si Marcoleta, sa kanyang sworn affidavit, ay nagsabing si Viray ay “committed to donate to my campaign funds” sakaling tumakbo siya bilang senador.

Sinabi rin niya na ibinigay ni Viray ang P20 milyon “in support of my senatorial candidacy.”

Nakasaad din sa affidavit na nagbigay pa si Viray ng karagdagang P1.2 milyon para bayaran ang 6-percent donor’s tax, na ini-remit ng authorized representatives ni Marcoleta sa Bureau of Internal Revenue.

“Mr. Viray did not ask for, and I did not promise, perform, or withhold, any official act in consideration of the donation,” ayon kay Marcoleta.

Iginiit din niya na walang bahagi ng pera ang nagmula sa public funds, government contracts, procurement transactions, franchises o regulatory favors.

Lalong tumibay ang argumento na campaign funds ang mga donasyon matapos ang testimonya ng unang prosecution witness na si Atty. Victoria Kadeja Besinio ng Comelec Political Finance and Affairs Department o PFAD noong September 3 hearing.

Sa cross-examination, inamin ni Besinio na ang basehan ng kanyang rekomendasyon — na kalaunan ay in-adopt ng Comelec — para kasuhan ang mga donors ng election offense dahil sa hindi pagre-report ng kanilang kontribusyon ay ang paniniwalang campaign contributions ang mga ito o perang ginamit para pondohan ang kampanya ni Marcoleta.

Inamin din ni Besinio na sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11109, maaaring magsumite ng report of contribution ang candidate o party treasurer para sa contributor.

Sa pagtatanong naman ng korte, kinilala ni Besinio na hindi maaaring kasuhan si Marcoleta ng election offense sa ilalim ng naturang probisyon dahil dinecriminalize na ng Republic Act No. 7166 ang violations ng Section 109 ng Omnibus Election Code.

Hanggang ngayon, wala pang aksyon ang Comelec Law Department sa rekomendasyong kasuhan ang tatlong donors.

WALANG NAPATUNAYANG SABWATAN

Sa September 14 hearing, nakuha naman ni Atty. Lawrence Arroyo, abogado nina Defensor at Espiritu, ang pag-amin ni Mananghaya-Henson na wala siya nang pirmahan ang deed of donation.

Kinuwestiyon din ni Arroyo ang paggamit ng prosecution sa isang video ni Marcoleta, gamit ang tinatawag na res inter alios acta rule.

Sa ilalim ng Section 29, Rule 130, iginiit niyang ang extrajudicial admission ng isang akusado ay hindi maaaring gamitin laban sa kanyang mga co-accused.

Tinutulan din ni Arroyo ang ilang bahagi ng judicial affidavit ng witness na aniya’y speculative, partikular ang teoryang maaaring protektahan o depensahan ni Marcoleta ang kanyang mga kaibigan at kaalyado.

Kinumpirma rin ni Mananghaya-Henson na private funds ang pinagmulan ng donasyon.

Sa cross-examination naman ni Atty. Chris Ocampo, abogado ni Viray, inamin ng witness na wala siyang impormasyon na nagkita-kita ang tatlong donor na kapwa akusado sa kaso.

Nang tanungin kung may nakitang ebidensya ang imbestigasyon na nagkaroon ng komunikasyon ang mga donor, ang naituro lamang niya ay ang pagkaka-notaryo at pagkaka-subscribe ng mga deed of donation sa parehong petsa at lugar.

Kinumpirma rin ng witness na hindi kailanman nabanggit ang pangalan ni Viray sa video na ginagamit ng prosecution bilang ebidensya.

Wala rin umanong binanggit na “investment” sa video o sa fact-finding investigation — salitang ayon kay Ocampo ay lumitaw lamang mula sa witness at sa kanyang investigative team.

Inamin din ni Mananghaya-Henson na hindi kinapanayam ang mga donors sa fact-finding stage, na kanyang inilarawang confidential.

Nauna namang kinumpirma ni Besinio na hindi rin naging parties sa Comelec-PFAD fact-finding investigation ang tatlong donors.

Si Marcoleta lamang ang pinadalhan ng Show Cause Order.

Ayon kay Besinio, nalaman lamang niya ang identities ng donors mula sa tax returns at bank payment slips na kalakip ng Verified Position Paper ng senador — dokumentong hindi pinirmahan at hindi rin tinulungan ihanda ng tatlong donors.

Sa kabila nito, nagrekomenda ang Comelec-PFAD na sampahan ng reklamo ang mga donors para sa preliminary investigation kahit walang naunang fact-finding investigation na direktang isinagawa laban sa kanila.