Advertisers
MAGTATAYO ang Philippine Sports Commission ng mas maraming training centers para sa tennis upang matulungan ang paglinang ng mas maraming Pilipinong atleta, bilang hakbang para makapag-produce ng mga manlalaro na maaring sundan ang yapak ni Alex Eala.
Ang 21-anyos na si Eala ay umakyat na sa No. 18 sa WTA rankings, at kamakailan lang ay nanalo sa Washington Open. Nakahanda siyang i-representa ang Pilipinas sa darating na Asian Games sa Japan.
Sa plenary deliberations ng House tungkol sa panukalang budget ng komisyon para 2027, tinanong ni PHILRECA Rep. Presley de Jesus kung paano mapapalago ng bansa ang mga nagawa ni Eala.
“With the new kind of athlete in the person of Alex Eala, ano ba ang pwede natin itulong? Sabi nga nila ang tennis daw sa Pilipinas is pang mayaman, unlike basketball or volleyball,” wika ni de Jesus. “Tennis requires ‘yung mga equipment, medyo mahal.”
“Ano ang nakikita ng Philippine Sports Commission dito sa tennis natin, na ngayon ay talagang sikat na sikat na, at medyo umangat ang ating bansa because of Alex Eala?”
Sinabi ni Biliran Rep. Gerardo Espina Jr., ang tagapagtaguyod ng badyet ng PSC sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na patuloy na magtatayo ang ahensya ng mga regional training center na nakatuon sa tennis at ilang pasilidad para tulungan ang ating mga atleta.
Sinabi rin ni De Jesus na mag-invest sa ibang sports maliban sa basketball. “Siguro, pwede nating tutukan ang boxing, tennis at ngayon kahit sana ‘yung golf,” sabi niya.