Advertisers
Isiniwalat sa publiko ni National Bureau of Investigation (NBI) Director. Atty. Melvin Matibag, na may nadiskubre silang aabot sa 47 red flags na flood control projects sa distrito ni Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Sa pahayag ni Matibag sa panayam sa kaniya ng media noong Huwebes, Setyembre 17, 2026, sinabi niyang nalaman nilang nabigyan ng halagang P1.9 bilyong pondo ang distrito ni Duterte, partikular sa mga contractor na Genesis 88 Construction Inc., na pagmamay-ari ng isang malapit sa naturang mambabatas.
Ani Matibag, aabot sa 47 ang bilang ng mga naituring nilang “red flag” na mga ghost, substandard, at isang coordinate project na may limang budget habang iba-iba ang ti-tulo ng mga ito.
“We have discovered that 1.9 billion doon sa distrito ni Congressman Pulong was awarded to Genesis 88 own by one person na malapit sa kanila. We have received documents from the Department of Public Works na there are projects na medyo naka-red flag,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Parang 47 out of 100. Merong ghost, merong substandards, merong isang coordinates lang with five budgets na iba-iba lang ‘yong title. Hindi Marites ito.”
Giit naman niya, “Pero hindi pa lahat iyon ay 47. Ang bilang talaga doon is about six na meron talagang malalang problema.”
Diin ni Matibag, nakatakda raw silang magpadala ng subpoena sa mga contractor, kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at Commission on Audit na may kaugnayan sa flood control projects sa Davao City.
Tirada ni Matibag, hindi naman daw si Duterte ang papa-dalhan nila ng subpoena kaya raw hindi niya maintindihan kung bakit umano ito nagagalit.
“Hindi naman siya. ‘Yong DPWH naman, e. Hindi ko nga alam kung bakit siya nagagalit pero ang ipapatawag natin ay ‘yong contractor at ‘yong DPWH,” pagtatapos pa niya.
Samantala, agad ding naglabas ng pahayag si Duterte, si-nabi niyang tinatanggap nila ang nasaad ni Matibag kaugnay sa flood control projects sa Davao.
Hiling ni Duterte, dapat may media sa ikakasang pagdinig ng NBI upang makita ng publiko ang sinasabi ni Matibag na “substandard” at “ghost project” sa kanilang distrito.
“We welcome Melvin Matibag’s statement on the flood control projects in Davao City’s First District,” tugon niya, “Finally, I hope may media coverage sa hearing nyo para makita ng buong bayan kung ano yang nakita mong substandard at ghost project.”