Advertisers
INANUNSYO ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang initial public offering (IPO) ng Mynt Inc., ang parent company ng GCash na inaprubahan na ng Philippine Stock Exchange (PSE), ay maaaring higit pang makatulong sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na mapalawak ang kanilang market reach at mapaunlad ang kanilang pagnenegosyo.
Ngayong Biyernes, Setyembre 18, inaprubahan ng PSE ang listing application ng Mynt na sumasaklaw sa hanggang 8.03 bilyong primary at secondary common shares, kabilang ang overallotment option na hanggang 1.20 bilyong karagdagang secondary common shares.
“Of course, companies like GCash and digital payments will really help MSMEs grow, as it will become easy for them to sell their products, especially on e-commerce platforms. Magiging madali na para sa kanila na ma-access o mapasok ang mga malalayong lugar. If they use these digital payments, it’s easier for MSMEs to transact,” ani Trade Secretary Cristina Roque.
“We are really pushing for people to do digital payments, especially with the DEFA (Digital Economy Framework Agreement),” dagdag niya.
Nakatakdang lagdaan ang DEFA sa 49th ASEAN Summit sa Nobyembre. Ito ang magiging kauna-unahang digital trade agreement na saklaw ang buong rehiyon, na magpapadali sa cross-border payments, data flows, at proteksiyon sa intellectual property sa lahat ng ASEAN Member States.
“At with DEFA, we provide a single, streamlined set of rules to access regional markets, secure digital payments, and protect intellectual property,” aniya.
Ang nakatakdang offering ay may maximum indicative price na P10 bawat share, at inaasahang aabot sa P92.3 bilyon ang kabuuang halaga ng mga shares na iaalok, kabilang ang primary shares na ilalabas ng Mynt at secondary shares na ibebenta ng isang kasalukuyang shareholder.
Gayunman, ang pinal na presyo ng IPO ay matutukoy sa pamamagitan ng book-building process at maaari itong ibaba sa P8.50 o P7.50 bawat share.
Sa ilalim ng mga terminong inaprubahan ng PSE, mag-aalok ang Mynt ng hanggang 1.61 bilyong primary shares at 6.42 bilyong secondary shares, habang ang overallotment option ay sasaklaw sa hanggang 1.20 bilyong karagdagang secondary shares.
Ililista ang mga shares sa PSE Main Board sa ilalim ng trading symbol na GCASH.
Nakatakda ang offer period mula Oktubre 6 hanggang 12, habang ang final offer price ay itatakda sa Oktubre 1 matapos ang book-building exercise. Ang tentative listing date ay Oktubre 20.
Sinabi ni PSE President at Chief Executive Officer Ramon S. Monzon na nakatakdang maging pinakamalaking public offering sa kasaysayan ng PSE ang listing ng Mynt, at umaasa ang stock exchange na mahihikayat ng landmark transaction ang mas maraming fintech at digital economy companies na makalikom ng kapital sa pamamagitan ng equities market.
Inaasahan din ng PSE na makakahikayat ang offering ng mga bagong retail investors, lalo na’t magiging available ang IPO subscriptions sa pamamagitan ng GStocks sa GCash app.
Samantala, maaaring mag-subscribe ang Local Small Investors sa pamamagitan ng PSE EASy website o mobile application.
Ayon sa PSE, gagamitin ang malilikom mula sa pagbebenta ng primary shares ng Mynt para sa mga inisyatiba sa pagpapalago ng digital financial services, product development, at iba pang pangkalahatang corporate purposes.
Para sa karaniwang mga Pilipino, hindi lamang ang posibilidad na magkaroon ng stocks ang maaaring maging atraksyon ng offering.
Ang parehong mobile wallet app na ginagamit na ngayon sa pagpapadala ng pera, pagbabayad ng bills, pagbili ng mga produkto, pagtanggap ng suweldo, pag-iimpok, pangungutang at pamumuhunan ay maaari ring maging daan upang makabili ng shares ng GCash.
Para naman sa mga higher-income at mas batikang investors, higit pa sa napakalaking user base ng GCash ang maaaring tingnan sa investment story ng Mynt.
Iniulat ng Mynt na umabot sa P79.8 bilyon ang revenue nito at P17.2 bilyon ang profit noong 2025, na nagpapakita na nakabuo ang kumpanya ng malawak na commercial ecosystem sa paligid ng digital financial services. ###