Advertisers
Setyembre 21, 2026, magiging bahagi na rin ito sa kasaysayan ng Social Security System (SSS), hindi dahil sa paggunita sa pagdeklara ng martial law noong ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung hindi dahil sa ginanap na pagkikila ng ahensya sa mga sumusuporta at kumikilala sa alituntunin na pinapairal ng batas SSS sa ginanap na SSS Balikat ng Bayan Awards.
Umpisahan natin ito sa ginawang paggawad ng Top Employer Award sa Golden Arches Development Corporation (Large Accounts) at Lachi’s Dessert Bakery, Inc. (Branch Accounts). Sa pagkilala sa dalawang establisimiento, malinaw ang mensaheng hatid nito na ang tamang pag-aalaga sa manggagawa ay hindi pakiusap, kundi isang legal at moral na obligasyon.
Sa gitna naman ng mga karaniwang reklamo laban sa SSS tulad ng mabagal na pila at kulang na benepisyo, madalas nating makalimutan na hindi lang ang gobyerno ang may “kontrol” nito. Tandaan sana natin na kapag ang isang kumpanya ay hindi naghuhulog ng SSS o huling nag-uulat ng sickness at maternity notifications, parang pagnanakaw na rin ito sa pangkabuhayang proteksyon ng kanilang sariling mga tauhan kaya, ang pagkilala sa Golden Arches at Lachi’s Bakery sa katatapos na okasyon ay isang paalala at pagpapahiya sa mga erring employers, na ang pagiging tapat sa Republic Act 11199 ay ang batayang tungkulin ng bawat negosyo.
Kung susuriin ang ginawang pagpaparangal, ipinakita ng mga Best Collection Partners tulad ng Union Bank of the Philippines, Rang-ay Bank, Inc., CIS Bayad Center, Inc., at Ventaja International Corporation (para sa mga OFW) at ng mga Best Disbursement Partners tulad ng BDO Unibank, Inc., Philippine Savings Bank (PSBank), BDO Network Bank, Inc., at ang digital bank na DiskarTech (RCBC) na maaari nang baguhin ang lumang sistema ng burukrasya.
Dahil sa mga modernong katuwang na ito, hindi na kailangang magtiis sa mahabang pila ang mga pensyonado o voluntary members upang magbayad o tumanggap ng kanilang pensyon o pera.
Napatunayan din sa okasyon na ang tunay na sukatan ng kalingang panlipunan ay naroon sa mga komunidad. Sa tulong ng mga Best Accredited Partner Agents, ang LGU ng Valencia (KaSSSangga Collect Partner), First Community Cooperative (Cooperative Partner), at Community Saving and Credit Association Farmers (AlkanSSSya Program Partner) kung saan ay naiaabot ang proteksyon sa mga magsasaka, tsuper, at sidewalk vendor na walang ibang aasahang pensyon kapag sila ay tumanda na.
Naging katuwang din sa pagpapalaganap ng kaalaman ang mga Best Media Partners na Philippine Daily Inquirer, Laguna Courier, Negros Now Daily, DZMM TeleRadyo, CARE 104.3 DWAY FM, 91.7 Ben FM, at 91.1 Max FM Tacurong City, pati na ang mga kinilalang Media Personalities na sina Arlie Calalo ng Manila Times, Geronimo Dig, Ionnes Omang, at Reynaldo Pallorina. Ginawaran din ng Special Citations ang DBP, First Metro Investments, Landbank, DoubleDragon, DFA, at CFO.
Ang “Balikat ng Bayan” ay hindi lamang dapat maging taunang papuri. Isa itong tahasang hamon sa lahat ng kumpanya at institusyon. ‘Ika nga, kung kayang maging tapat at mabilis ng mga pinarangalang ito, wala nang katanggap-tanggap na dahilan ang iba para magkulang pa sa ating mga manggagawa.
Sa mga pinarangalan, lalo na kay katotong Arlie Calalo, pa-canton ka naman! Congratulations sa iyong lahat. At sa mga delinkuwenteng employers naman, magbago na kayo at huwag nang hintayin pang mabuko kayo ng SSS. Maawa naman kayo sa inyong manggagagawa.