Advertisers

Advertisers

HINIHINALANG BENTAHAN NG MGA KONTRABANDO, DAPAT BUSISIIN NG BUREAU OF CUSTOMS

0 5

Advertisers

Aba’y nabunyag na may bago na namang bentahan daw ng mga produktong nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC).

Makaraang mabuking noong Agosto ang pagbebenta ng iligal na sigarilyo, sumunod naman ang pagbebenta ng nakumpiskang smuggled chicken meat.

Tinatayang 10 hanggang 15 toneladang frozen chicken meat daw ang nasamsam sa isang rendering facility sa Sta. Maria, Bulacan.



Nagpanggap daw na buyer ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) upang mahuli sa akto ang pagbebenta ng frozen chicken drumsticks na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon.

Ang mas nakakabahala, dapat ay ‘for destruction’ na raw ang mga produktong ito. Sa halip, nailabas ang mga ito at sinubukang ibenta muli?



Ayon sa NBI, tatlong container van mula sa BOC sa Subic ang pinagmulan daw ng mga produktong inilabas para sana sirain.

May ulat din na aabot pa raw sa 81 tonelada ang balak na ibenta. Kung mapatutunayan ito, hindi na maliit na usapin ang dapat balewalain.



Dito pumapasok ang malaking tanong: paano nakalabas ang mga produktong dapat ay winasak na? Hindi naman natin dapat agad husgahan ang buong BOC o ang lahat ng mga kawani nito. Pero kailangan itong imbestigahan nang mabuti upang malaman kung saan nagkaroon ng problema.

Kung may malinaw na proseso sa pagkumpiska at pagsira ng mga kontrabando, dapat ding malinaw kung sino ang may pananagutan sa bawat hakbang.

Mahalaga ito dahil hindi lamang pera ang nakataya. May panganib din sa kalusugan kung ang mga produktong hindi dapat nasa merkado ay muling maibenta sa publiko.

Higit sa lahat, hindi dapat mauwi sa wala ang mga operasyon ng pamahalaan laban sa smuggling. Kapag nakumpiska ang kontrabando, dapat tiyaking hindi na ito makababalik pa sa merkado sa anumang paraan.

Kaya ang dapat ngayon ay malinaw na imbestigasyon, pananagutan kung may mapatunayang paglabag, at pag-aayos sa mga butas ng sistema.

Ang dalawang magkakasunod na insidente ay sapat nang dahilan para mas higpitan ng BOC ang pagbabantay sa mga nasasakupan nito.

Sabi nga, “one is enough, two is too much.”

Kaya galaw-galaw naman po ng konti d’yan, Commissioner Ariel Nepomuceno!

Abangan!
*
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.
-30-