Advertisers

Advertisers

MATUGAS ITINUTULAK ANG NATIONAL LAND USE ACT, IKINATUWA ANG AKSYON NG SENADO

0 7

Advertisers

ITINUTULAK ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas ang pagpasa ng National Land Use Act (NLUA), kasabay ng pagtanggap niya sa patuloy na pagtalakay ng Senado sa panukalang ilang dekada nang isinusulong sa Kongreso.

Si Matugas, chairman ng House Special Committee on Land Use at principal author ng House Bill No. 8466, ay nagsabing pagkakataon ang deliberasyon sa Senado upang lalo pang mapahusay ang panukalang pambansang balangkas sa paggamit ng lupa.

“Lubos nating pinahahalagahan ang seryosong pagtalakay ng Senado sa matagal nang panukalang ito. May sariling karanasan at pananaw ang ating mga senador, at bukas tayo sa kanilang mga mungkahi upang makabuo ng mas matibay at mas epektibong batas,” ani Matugas.



Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 8466 noong Mayo 5 at ipinadala ito sa Senado noong Mayo 6.

Patuloy na tinatalakay sa Senado ang sarili nitong mga panukala para sa National Land Use Act, kabilang ang House-approved measure na isinasalang sa kanilang konsiderasyon.



Ang kasalukuyang panukala ay pagpapatuloy din ng mga hakbang na ginawa noong 19th Congress, kung kailan kabilang si dating Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II sa mga may-akda ng bersyon ng Kamara ng National Land Use Act.

“Hindi sa Kongresong ito nagsimula ang pagsisikap. Si Congressman Bingo at ang ating mga kasamahan sa nakaraang Kongreso ay tumulong upang maisulong ang panukala sa Kamara. Naipagpatuloy natin ang trabahong iyon at muli nating naisulong ang panukala,” sabi ni Matugas.



Layunin ng HB 8466 na magtatag ng pambansang polisiya sa paggamit ng lupa at mga mekanismo para sa pagpapatupad nito, kabilang ang paglikha ng National Land Use Commission.

Nilalayon nitong magkaroon ng malinaw na pambansang balangkas sa paggamit ng lupa para sa agrikultura, pabahay at mga pamayanan, imprastraktura, pagpapaunlad ng ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan at paghahanda laban sa mga sakuna.

“Nagawa na ng Kamara ang bahagi nito, at inaasahan nating makikipagtulungan nang maayos sa ating mga kasamahan sa Senado. Kung may mga probisyong maaari pang mapahusay, handa tayong makinig at makipagtulungan,” ani Matugas.

Ilang senador na rin ang naghain ng kani-kanilang bersyon ng National Land Use Act, patunay ng patuloy na interes sa pagtatatag ng isang komprehensibong pambansang polisiya sa paggamit ng lupa.

“Matapos ang ilang dekada ng talakayan, may pagkakataon na naman ang Kongreso na sa wakas ay mabigyan ang bansa ng isang pambansang batas sa paggamit ng lupa,” dagdag ni Matugas.