Advertisers

Advertisers

“BOC VS. SMUGGLERS: WALANG LUSOT, WALANG KASABWAT!”

0 36

Advertisers

Hindi sapat na hulihin ang kontrabando. Dapat tukuyin kung paano ito nakalusot—at kung may tumulong mula sa loob, dapat ding managot.

Ito ang isa sa pinakamabigat na hamon ng Bureau of Customs (BOC): paano tuluyang mapipigil ang smuggling na matagal nang problema sa bansa?

Hindi maliit na bagay ang smuggling. Sa bawat container na may ilegal na laman na nakalulusot, maaaring may nawawalang kita ang pamahalaan. Sa bawat produktong hindi dumaan sa tamang proseso at hindi nagbayad ng kaukulang buwis at duties, nalulugi ang gobyerno at naaapektuhan ang mga lehitimong negosyanteng sumusunod sa batas.



Kaya hindi biro ang trabaho ng Customs.

Kailangan ng matinding pagbabantay sa mga pantalan at paliparan, maayos na intelligence gathering, makabagong teknolohiya at mabilis na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.



At dito pumapasok ang mahalagang papel ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.

Kapansin-pansin ang kanyang pagsisikap na palakasin ang kampanya ng BOC laban sa smuggling at gawing mas mahigpit ang pananagutan sa mga mapatutunayang lumalabag sa batas at mga alituntunin ng ahensya.



Ang isang mahalagang bahagi ng laban na ito ay ang paglilinis sa sariling hanay.

Hindi maaaring sa labas lamang ng Customs hinahanap ang problema. Kung may mga tauhang mapatutunayang nakikipagsabwatan sa smugglers o tumutulong sa pagpapalusot ng ilegal na shipment, dapat silang imbestigahan at papanagutin alinsunod sa batas at due process.

Sapagkat paano magiging epektibo ang kampanya laban sa smuggling kung may mga taong nasa loob mismo ng sistema na tumutulong para makalusot ang kontrabando?

Hindi puwedeng may bantay na siya ring nagbubukas ng pinto.

Kaya malaking bagay ang polisiya na hindi lamang ang mga smuggler ang tinututukan kundi pati ang sinumang kawani na mapatutunayang kasabwat sa mga ilegal na gawain.

Hindi dapat protektahan ang sinumang gumagamit ng posisyon para sa pansariling pakinabang. Ang serbisyo publiko ay pananagutan, hindi pribilehiyong maaaring gamitin para sa pagpapalusot ng kontrabando.

Pero siyempre, ang bawat paratang ay kailangang dumaan sa tamang imbestigasyon. Kailangang may ebidensiya at kailangang sundin ang due process. Ang layunin ay hindi lamang manghuli kundi tiyaking ang mga tunay na responsable ang mananagot.

Hindi rin kayang gawin ng BOC nang mag-isa ang laban na ito.

Kailangan ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa Philippine Coast Guard, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Department of Agriculture at iba pang ahensyang may papel sa pagpigil sa pagpasok at pagkalat ng ilegal na produkto.

Teamwork ang kailangan.

Dahil ang smuggling ay hindi lamang problema ng Customs. Problema ito ng buong bansa.

Kapag nasugpo ang smuggling, nakikinabang ang gobyerno dahil napoprotektahan ang koleksiyon. Nakikinabang ang lehitimong negosyo dahil nababawasan ang hindi patas na kompetisyon.

At higit sa lahat, nakikinabang ang publiko dahil napipigilan ang pagpasok ng mga produktong maaaring makasama sa ekonomiya, industriya at kaligtasan ng mamamayan.

Kaya saludo tayo sa mga hakbang ni Commissioner Nepomuceno na palakasin ang laban kontra smuggling at higpitan ang pananagutan sa loob ng BOC.

Ang mensahe dapat malinaw: Walang lusot sa smuggling. At kung may kasabwat sa loob, walang dapat maging ligtas sa pananagutan.

Sapagkat sa huli, ang tunay na laban ng Customs ay hindi lamang laban sa mga kontrabandista.

Laban din ito para protektahan ang kaban ng bayan, ang lehitimong negosyo at ang tiwala ng publiko.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo com.