Advertisers

Advertisers

Panukalang bawal sa below 18 paggamit ng socmed lusot sa final reading

0 34

Advertisers

INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang wala pang 18 taong gulang.

Sa botong 16-1-0, inaprubahan ang Senate Bill No. 2424, Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS), ipinagbabawal ang paglikha ng social media accounts ng mga 18-anyos pababa.

Si Senadora Risa Hontiveros ang nag-iisang bumoto laban sa panukala.



In-sponsor ni Sen. Robinhood Padilla ang panukala na naglalayong protektahan ang mga bata laban sa pisikal, mental, sosyal at emosyonal na panganib na maaaring idulot ng paggamit ng social media platforms.

Kapag naging batas, hindi papayagan ang mga menor de edad na magparehistro, mag-access, gumamit, magpanatili, mag-operate o lumikha ng account sa anumang social media platform na itinuturing na age-restricted.



Sakop din ng panukala ang mga international social media platform na nagpapatakbo sa Pilipinas.

Inaatasan silang sumunod sa batas, magtalaga ng kinatawan sa bansa at makipagtulungan sa mga awtoridad ng Pilipinas sa pagpapatupad nito.



Maaari namang pagmultahin ng P5 milyon hanggang P20 milyon bawat paglabag ang mga high-risk digital service na mapatutunayang lumabag sa panukalang batas.

Maging ang mga magulang o guardian na lalabag sa itinakdang mga probisyon ay maaaring pagmultahin ng P5,000 hanggang P20,000 o atasan na magsagawa ng community service.

Hindi naman sakop ng panukala ang mga serbisyo ng electronic mail o email, private messaging, online gaming na hindi pangunahing ginagamit para sa social networking, educational platforms, news websites at professional collaboration services. (Mylene Alfonso)