Advertisers
HINDI maintindihan ng mga miron kung “naghahabol” sa pagyaman o nagbabalak tumakbo sa darating na halalan ang isang opisyal ng isang patuloy na korap na ahensiya dahil sa kanyang mga “diskarte” na ang “ginagasgas” pa ay pangalan nang asawa ng isang mataas na opisyal sa Malakanyang.
“Namarkahan” ng mga Duterte supporters ang opisyal na ito dahil sa kanyang naging mahalagang papel sa pagpapatapon kay Digong sa The Hague noong nakaraang taon.
“Nagbunga” naman ang kanyang desisyon dahil ilang buwan pagkaraan na mabitbit si Digong sa karsel ng International Criminal Court (ICC), heto nga at nabigyan siya ng “juicy position.”
Kaya lang, mukhang iba talaga ang tawag ng kuwarta at ambisyon, mga kabayan dahil ang kanya umanong ‘fund raising,’ “pumalo” na sa higit P300 “manok” sa nakaraang dalawang buwan pa lang!
Kuwidaw, ang “pitsa” ay hindi umano para sa kanya bagkus, para makatulong mapondohan ang mga ‘pet projects’ ni “Madam Marilou” na nakatuon naman sa mahihirap.
At nakalikom itong ating bida ng ganito kalaking ‘funding support’ dahil ang kanyang ‘sales talk,’ sa tulong ni Madam, malilipat na siya ng puwesto kaya mainam sa mga may transakyon sa asinta niyang ahensiya na ngayon pa lang, may ‘pledge of loyalty’ na sa kanya, ayos!
Mayroon nga lang ‘small problem’ dahil ang target niyang opisina ay hindi naman bakante at ang nakaupo, isa sa mga palaging pinupuri ni PBBM—mismo– dahil sa galing magtrabaho, tama ba, Atty. Claire Castro?
At anong “klase” daw kayang tao at kaibigan itong ating ikinukuwento ngayon dahil ang gusto kasi niyang agawan ng poder ay nakatulong pa nga kaya siya nasa posisyon ngayon!
Nasisiguro naman natin na sasabog na parang bulkan ang galit ng asawa ni Mr. Palace Official dahil sa lahat ng ayaw niya ay ganitong mga “diskarteng panis” na kinakaladkad ang kanyang pangalan sa mga gawaing pulos kabulastugan at kahihiyan.
Oops! Kahit pala mga ‘stakeholders’ sa kanyang ahensiya, “nagigimbal” sa “talas” ng mga tauhan nitong ating ibinibida pero dahil kulang na ang ating espasyo, mas mainam na… abangan!