Advertisers

Advertisers

SALUDO KINA PCG ADM. GAVAN AT SPOKESPERSON CMDRE. CAYABYAB!

0 37

Advertisers

NAGPUPUGAY ang SIKRETA kina Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan at PCG Spokesperson Commodore Noemie G. Cayabyab sa kanilang mabilisang aksyon sa reklamong ipinarating ng mga operator at crew ng mga passenger motor boat, tourist boat at diving boat na nagbibyahe sa Isla Verde, Batangas City at Puerto Galera Oriental Mindoro via Brgy. Tabangao ng naturan din siyudad.

PCG Comdt. Adm. Ronie Gil Gavan at PCG Spokesperson Cmdre. Noemie G. Cayabyab

Ayon sa hinaing ng mga apektadong magdaragat ay kinokotongan sila ng abot-langit na lagay o intelhencia ng anim na tauhan ng Batangas Coast Guard na nakatalaga sa Brgy. San Agustin Kanluran, Isla Verde at Sitio Berberabe sa Brgy. Tabangao ng naturan ding lungsod.



Naunang idinulog sa SIKRETA ng mga naturang magdaragat ang naturang reklamo na siyang naging daan upang maipaabot sa kaalaman nina PCG Comdt. Adm. Gavan at PCG Spokesperson Cmdre. Cayabyab.

Kinilalang sina alyas Riva, alyas Aguilar, alyas Dones at alyas Bendo na nakadestino sa San Agustin Kanluran, Isla Verde samantalang ang dalawang iba na tinukoy din sa alyas Magadia at alyas Adap ay pareho namang nakatalaga sa Sitio Berberabe, Brgy. Tabangao, Batangas City.



Ayon sa sumbong ay nangongotong ng tig Php 2,000 sa mga passenger motor boat operator at crew ang mga naturang tauhan ng Coast Guard sa mga nagbibyahe mula sa Isla Verde, Batangas City via Brgy. Tabangao ng naturan ding lungsod at gayon din ng suhol o intelhencia ang “ipinasusuka” araw-araw ng mga naturang Coast Guard personnel sa mga tourist boat at diving boat operator at crew na naglululan ng mga American, European at iba pang dayuhang turista mula sa Puerto Galera, Oriental Mindoro via Isla Verde.

Kapag kulang naman sa minimum ang pasahero ng mga naturang motor boat ay tig kalahating cavan na bigas at pambili na lang ng pang ulam ang itinatara sa mga magbabangka (motor boat operator at crew) ng mga naturang tiwaling Coast Guard.



Sa agarang aksyon nina Adm. Gavan at Cmdre. Cayabyab ay inatasan ang mga tanggapan ng Southern Tagalog Coast Guard District Command at Batangas Coast Guard Station na magsagawa ng karampatang pagsisiyasat sa sumbong na naunang idinulog ng mga apektadong bankero (motor boat operator at crew) sa SIKRETA.

October 13, 2026 ay sinimulan ng mga imbestigador ng Batangas Coast Guard ang imbestigasyon na may panibagong alegasyon na ang mga magdaragat ay kinokotahan din ng mga naturang Coast Guard personnel ng tig Php 200 sa kada pasahero na hindi angkop sa kanilang loading capacity.

Dahil dito ay hinihiling ng mga apektadong magdaragat kina PCG Adm. Gavan at Cmdre. Cayabyab na sa halip na magtalaga pa ng mga Coast Guard personnel sa Isla Verde at Brgy. Tabangao, Batangas City ay panatilihin na lamang ang nakagawian na superbisyon at kontrol sa mga passenger motor boat, tourist boat, diving boat at iba pang pampasaherong motor banca sa ilalim ng direktang pamamahala ng tanggapan ng Batangas Coast Guard sa Brgy. Sta. Clara ng nasabing lungsod.

Ayon sa mga mamamayan ng Isla Verde at Oriental Mindoro, sa mahigit isang siglong serbisyo ng Phil. Coast Guard simula nang itatag ito noong 1905 ay hindi kailanman nagkaroon ng mga problema na kinasasangkutan ng mga biyahero at mga bangkero sa Batangas City at Oriental Mindoro sa sinumang tiwaling tauhan at opisyales ng Coast Guard.

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144