Advertisers

Advertisers

ISKO: MANILA WATERFRONT CITY, PAMANA SA SUSUNOD NA HENERASYON!

0 30

Advertisers

Itinuturing ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na isang makasaysayang pamana para sa susunod na henerasyon ng mga Manileño ang Manila Waterfront City reclamation project, na aniya’y pinakamalaking proyektong pangkaunlaran ng lungsod sa modernong kasaysayan.
Sa paglulunsad ng proyekto sa Rizal Park Hotel sa Ermita nitong Lunes, Oktubre 12, sinabi ni Domagoso na pagkakataon ito para makapag-iwan ang kasalukuyang pamunuan ng pangmatagalang oportunidad para sa paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng Maynila.
“This today is that historic moment. At least in our own little way as current leaders, as those temporarily entrusted to govern, we have something to offer to the next generation of opportunity and growth,” pahayag ng alkalde.
Saklaw ng Manila Waterfront City ang 318 ektaryang mixed-use development sa kahabaan ng Manila Bay na planong gawing modernong central business district at pangunahing destinasyon para sa negosyo, turismo, pamumuhay at pampublikong libangan.
Isasagawa ang proyekto sa pamamagitan ng joint venture sa pagitan ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Waterfront Manila Premier Development, Inc. (WMPDI), katuwang ang Philippine Reclamation Authority (PRA) bilang government partner at AECOM bilang master planner.
Tinatayang aabot sa P76 bilyon ang halaga ng proyekto at inaasahang matatapos sa loob ng anim na taon. Sa ilalim ng kasunduan, 51 porsiyento ang bahagi ng pamahalaan at 49 porsiyento naman ang pribadong sektor sa paghahati ng lupa.
Binigyang-diin ni Domagoso ang laki ng planong pagpapaunlad sa pamamagitan ng paghahambing nito sa Bonifacio Global City (BGC).
“Mas malaki pa sa BGC itong gagawin na reclamation. Yung BGC 240 lang yun, eto 300. Just imagine because it brought progress and opportunity to the people of that particular LGU,” ani Domagoso.
Tinatayang makalilikha ang proyekto ng humigit-kumulang isang milyong trabaho at oportunidad sa negosyo sa iba’t ibang sektor, kabilang ang konstruksyon, retail, hospitality, turismo at iba pang serbisyong pang-ekonomiya.
Bahagi rin ng master plan ang humigit-kumulang 95 ektaryang open at green spaces na inaasahang magiging pangunahing pasyalan sa baybayin, na inilalarawan bilang “Luneta by the Sea.”
Sa binagong master plan, isinama ang 250 metrong setback mula sa baybayin alinsunod sa gabay ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP). Layunin nitong matiyak na maisasagawa ang pagpapaunlad nang hindi isinasantabi ang makasaysayan at pangkulturang identidad ng Maynila.
Kasabay nito, tiniyak ng alkalde na kikilalanin ng kasalukuyang administrasyon ang mga kontratang pinasok ng mga naunang pamunuan ng lungsod upang mapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan at katuwang sa proyekto.
“When you do business in the City of Manila, it is certain. Kahit na kami ay magpalit-palit, kikilalanin namin ang mga kontrata,” pahayag ni Domagoso.
Sa pamamagitan ng Manila Waterfront City, inaasahang magkakaroon ng panibagong sentro ng negosyo, turismo at pampublikong rekreasyon sa Maynila, kasabay ng pangakong magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga susunod na henerasyon ng mga Manileño.(BP)