Advertisers
Pinasinayaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes ang bagong anim na palapag na gusali ng Aurora A. Quezon Elementary School sa San Andres, Malate, na may 68 fully air-conditioned classrooms at makabagong pasilidad para sa mga mag-aaral.
Nakatakdang makinabang sa bagong gusali ang mga estudyante at guro ng isa sa pinakamatandang pampublikong paaralan sa Maynila, na patuloy na nagsisilbi sa komunidad ng Malate sa loob ng mahigit pitong dekada.
Nakatayo ang bagong gusali sa 2,596-square-meter na lote at may kabuuang floor area na 11,221 square meters. Dalawang yugto itong itinayo—natapos ang unang bahagi noong Disyembre 2023 at ang ikalawa noong Agosto 2026.
Ayon kay Moreno, isang mahalagang hakbang ang pagtatayo ng mga bagong paaralan upang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking populasyon ng mga mag-aaral sa Maynila.
“To build today is cheaper. To build today is better,” ani Moreno, na binigyang-diin ang kahalagahan ng maagap na pagpaplano upang magkaroon ang susunod na henerasyon ng mas moderno, maayos at disenteng kapaligiran sa pag-aaral.
Ibinahagi rin ng alkalde sa mga estudyante ang kaniyang karanasan bilang produkto ng pampublikong edukasyon, patunay umano na ang bawat batang nag-aaral sa pampublikong paaralan ay may pagkakataong mangarap at magtagumpay.
“Who would have thought na isa sa mga estudyante ninyo ay pwedeng maging mayor ng Maynila?” ani Moreno.
Bukod sa 68 silid-aralan, mayroon ding computer room, library, Madrasah room, Alternative Learning System (ALS) room, mga faculty room, kantina, klinika at dalawang elevator ang bagong gusali.
Kasabay nito, inilahad ng alkalde ang iba pang proyektong pang-edukasyon ng lungsod, kabilang ang bagong Allied Health Sciences building ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), na itinatayo malapit sa Quirino Avenue at Roxas Boulevard, katabi ng bagong Ospital ng Maynila.
Ayon kay Moreno, inaasahang mapalawak ng pasilidad ang kapasidad ng mga programang medikal at allied health mula sa 300 hanggang 5,000 estudyante.
“The City of Manila will provide it for free,” pahayag ng alkalde, na tumutukoy sa libreng edukasyon para sa mga kursong medisina, nursing at allied health sciences sa naturang pasilidad.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpatayo si Moreno ng malalaking gusaling pampaaralan sa Maynila.
Sa kaniyang unang termino bilang alkalde, pinasimulan niya ang pagtatayo ng bagong 10-palapag na gusali ng Manila Science High School, na may 158 fully air-conditioned classrooms, library, auditorium, basketball gym na may roof-deck sports area, kantina at limang elevator. Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱1.3 bilyon.
Itinayo rin ang bagong 10-palapag na gusali ng Rosauro Almario Elementary School sa Tondo upang madagdagan ang kapasidad ng paaralan sa isa sa pinakamataong distrito ng lungsod.
Samantala, nagpapatuloy ang konstruksyon ng bagong 10-palapag na gusali ng Ramon Magsaysay High School sa Sampaloc. Kabilang sa mga pasilidad nito ang gymnasium, auditorium, apat na science laboratory, library at e-library, outdoor sports facilities at dalawang silid para sa Special Education (SPED).
Ang patuloy na pagtatayo ng mga modernong paaralan ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaang lungsod na palawakin ang kapasidad ng pampublikong edukasyon at makapagbigay ng mas maayos na pasilidad sa mga batang Manileño.(BP)