Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Sa isang panayam, inamin ni Michael Sager na hindi naging madali sa kanya ang pasukin ang pag-aartista.
Katunayan, noong una raw ay nakikitira lang siya sa kamag-anak nila sa Pinas.
Malungkot din daw ang buhay niya dahil solo siyang naninirahan sa bansa dahil ang pamilya niya ay nasa Canada.
Kokonti rin daw kasi ang mga kaibigan niya sa showbiz.
Dumating din daw siya sa puntong sobrang nababagalan siya sa takbo ng kanyang karera.
May pagkakataon nga raw na nagdasal pa siya dahil nag-worry siya kung saan hahagilapin ang ipambabayad sa kanyang mga babayarin.
Gayunpaman, nagpatotoo siya na kapag nagdasal nang mataimtim ang isang tao ay dinidinig ng Diyos ang kanyang mga panalangin.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit masasabing relihiyoso siyang tao pagkatapos ng kanyang mga naging pagsubok.
Sa panayam sa vlog ni Benedict Cua, naibahagi rin niya kung paano siya iniiwasan ng mga kasamahan niya noon sa isang show.
May impresyon daw kasi ang mga itong mayabang siya.
Sa kaso naman, hindi raw naman niya bet maging people pleaser kundi magpakatotoo lang.
Tungkol naman sa lovelife, aminado siyang nasaktan na siya sa pagtatanggol sa babaeng iniirog.
Red flag daw sa kanya ang karelasyon na hindi marunong rumespeto.
Bet din daw niya sa girl ang magalang sa mga taong mahal niya tulad ng kanyang mga magulang.
Biggest disappointment daw naman niya ang pagkaligwak sa PBB.
Sa ngayon, very thankful daw siya sa blessings na dumarating sa kanya sa hosting at pag-arte.
Ayaw din daw niyang madaliin ang pagkakaroon ng dyowa dahil naniniwala siyang darating ito nang di niya hinahanap.
Si Michael ang pinakabagong addition bilang host sa PBB Celebrity Collab Edition 3.0.
***
CCP Channel, tampok ang Cinemalaya films, teatro at klasikong pagtatanghal ngayong Oktubre
Mas pinalawak ng CCP Channel ang online collection nito ngayong Oktubre sa pagdaragdag ng mga piling pelikula, dulang pantanghalan, konsiyerto at ballet production na nagpapakita ng husay at talento ng mga Pilipinong alagad ng sining.
Kabilang sa mga bagong handog ang mga pagtatanghal mula sa CCP Classics, mga pelikula ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, mga finalist ng Gawad CCP Para sa Alternatibong Pelikula at Video, at mga piling produksiyon ng Virgin Labfest (VLF).
Mula sa VLF 13, mapapanood ang Ang Bata sa Bus Stop ni Sari Saysay. Idaragdag din sa koleksiyon ang Isang Gabing ang Buwan ay Hila-Hila ng Gula-Gulanit na Ulap, na isinulat ni Ryan Machado at idinirehe ni Paolo O’Hara. Tampok ang naturang dula sa VLF 15: Titibok-tibok.
Para naman sa mga mahilig sa pelikulang Pilipino, kasama sa lineup ang mga full-length film na Colorum (2009) ni Jon Steffan Ballesteros, Batsoy (2022) ni Ronald Espinosa Batallones, at Bulawan Nga Usa (2023) ni Kenneth De la Cruz.
Idinagdag din ang mga short film na 10:25 ng Gabi (2006) ni Reggie Gulle, Gee-Gee at Waterina na mula sa mga producer na sina J. Dennis Teodosio at JP Valencia, at Parang Pelikula ni Hubert Tibi.
Hindi rin pahuhuli ang mga finalist ng Gawad CCP Para sa Alternatibong Pelikula at Video, kabilang ang Metapora ni Renil Frankie Badango, Daungan ng mga Naghihintay ni Kaila Arvi B. Ariston, Pauwi Ka Na Ba? ni Angel Tomas, at Blinkers ni JP Bonoan.
Samantala, maaari ring balikan ng mga manonood ang konsiyertong Madz Goes Pop!!! ng The Philippine Madrigal Singers at ang produksiyon ng Ballet Philippines na Snow White noong 1999.
Bahagi rin ng koleksiyon ang Fiesta Filipina, na nagtatampok ng mga piling bahagi ng Kalilang (a Maranaw Festival) at Pista sa Nayon (Barrio Fiesta) na itinanghal ng Bayanihan Philippine Dance Company.
Kasama rin ang excerpt mula sa Ngayon at Bukas, na itinanghal ng Bola-Bola Tribe ng Iloilo National High School.
Sa patuloy na pagdaragdag ng mga palabas at pelikula, layunin ng CCP Channel na maihatid sa mas maraming manonood ang yaman ng sining at kulturang Pilipino sa pamamagitan ng digital platform.