Advertisers

Advertisers

PERSIDA ACOSTA “HUWAG NINYO I-BA-BASH ANG PERSONS WITH DISABILITIES!”

0 30

Advertisers

Ni Beth Gelena

Hindi dapat gawing katatawanan ang kalagayan ng isang taong may kapansanan. Ito ang mariing mensahe ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta matapos kumalat ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng Machong Chismisan podcast dahil sa umano’y pangungutya sa anak ni Kris Aquino na si Josh Aquino.

Sa paglulunsad ng kanyang bagong libro na Laws of Life sa Quezon City nitong Huwebes, Oktubre 22, ipinahayag ni Acosta ang pakikiisa niya kay Kris at Josh. Personal umano niyang nauunawaan ang pinagdaraanan ng mag-ina dahil mayroon din siyang pamangking may autism.



“May pamangkin din akong may syndrome ng autism. Anak ng ate ko. Feel na feel ko ‘yung nararamdaman ni Kris Aquino,” ani Acosta sa panayam sa kaniya ng entertainment press.

Hindi napigilan ng PAO chief na maging emosyonal habang ibinabahagi ang kuwento ng kanyang pamilya at ang pagmamahal ng kanyang ate sa anak nito.



“Hanggang mamatay ang aking Ate, kasama niya ang kanyang anak na ‘yun. Siguro nasa Australia na rin ‘yun kasama ng mga Ate niya [pero dahil sa kondisyon niya ay nakasama namin dito]. Alam ng Diyos. Siguro [binigyan] tayo ng ganoon para makasama natin habang tayo ay buhay. Nakakaiyak. Sabi ko, hindi ako iiyak,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Acosta ang karapatan ng mga person with disabilities (PWD) at hinimok ang publiko na maging maingat sa kanilang mga salita at kilos, lalo na sa social media.



“Huwag naman ninyong iba-bash ang persons with disabilities dahil sila ay may karapatan,” diin niya.

Nag-ugat ang usapin sa kumalat na clip mula sa Machong Chismisan podcast, kung saan umano’y kinutya ng mga host si Josh. Umabot sa PAO chief ang kontrobersiya, na muling nagbigay-diin sa kahalagahan ng paggalang at malasakit sa mga taong may kapansanan.

Samantala, inanunsiyo rin ni Acosta ang paglalabas sa Disyembre ng English version ng kanyang aklat na Laws of Life: Life Lessons from the People’s Lawyer. Nauna nang inilabas ang bersiyong Filipino noong Mayo.

Ayon kay Acosta, naglalaman ang libro ng mga paalala at aral sa buhay para sa kabataan, matatanda, mag-asawa at mga magkapareha upang magkaroon ng mapayapa at maligayang pagsasama.

Aniya, ang mga kasabihang nakapaloob dito ay nagmula sa kanyang mga legal information program at sa mga personal niyang payo sa mga kasamahan, kliyente at taong lumalapit sa kanya.

“They are not grand declarations, but gentle reminders. They are reflections on the laws of life, the values of compassion, humility, perseverance, and faith,” pahayag niya.

Nagtapos si Acosta bilang ikaapat na placer sa 1989 Bar Examinations at halos apat na dekada nang inilalaan ang kanyang buhay sa paglilingkod sa publiko.

Tungkol naman sa katarungan, moralidad at etika, ibinahagi niya sa libro ang kasabihang:

“The wicked believe they have succeeded, but the day will come when everything will find its end.”