Advertisers

Advertisers

ORETA: TUGATOG CEMETERY REHAB, ITULOY! ITIGIL ANG POLITIKA

0 34

Advertisers

Nanawagan si Cong. Oreta na itigil na ang pamumulitika at tuluyan nang tapusin ang rehabilitasyon ng Tugatog Public Cemetery sa Malabon City upang matiyak ang disenteng huling hantungan ng mga yumaong Malabonian.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Oreta na hindi lamang ordinaryong pasilidad ang Tugatog Cemetery kundi isang banal na lugar kung saan nakahimlay ang mga mahal sa buhay ng maraming pamilyang Malabonian.
Binigyang-diin ni Oreta na noong siya ang alkalde ng Malabon, naging gabay ng kanyang administrasyon ang programang “womb-to-tomb,” na naglalayong pangalagaan ang mamamayan mula sa pagbubuntis ng ina hanggang sa huling sandali ng buhay, kabilang ang pagbibigay ng dignidad sa kanilang huling hantungan.
Ayon kay Oreta, matagal nang problema ang siksikan sa lumang sementeryo, dahilan upang mahirapan ang maraming pamilya na makahanap ng maayos na mapaglilibingan para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Bago umano kumuha ng loan para sa rehabilitasyon, nagsagawa muna ang kanyang administrasyon ng konsultasyon sa mga apektadong pamilya upang mapakinggan ang kanilang mga saloobin. Dumaan din ang proyekto sa isang transparent at legal na public bidding process.
Bago matapos ang kanyang termino noong Hunyo 2022, mahigit 60 porsiyento na umano ng Phase 1 ng rehabilitasyon ang nakumpleto. Kabilang dito ang pagsesemento ng mga kalsada at pathway, gayundin ang paghahanda ng isang cluster ng mga bagong nitso na maaaring paglipatan ng mga labi.
Sinabi rin ni Oreta na pormal na na-turn over ng kanyang administrasyon ang proyekto, kasama ang kumpletong mga dokumento at records, sa harap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng pamahalaang lungsod ng Malabon.
Bukod dito, iniwan umano ng kanyang administrasyon ang natitirang pondong nagkakahalaga ng P1,427,755,035.97 para sa pagpapatuloy ng mga proyekto at serbisyo ng lungsod.
Binigyang-diin ni Oreta na ang pangangailangan ng mga pamilya sa isang disenteng huling hantungan ay hindi dapat maapektuhan ng pagbabago sa pamunuan o pagkakaiba ng kulay sa politika.
Kaya naman, nanawagan siya sa mga kinauukulan na magkaisa at bigyang-prayoridad ang pagkumpleto sa rehabilitasyon ng Tugatog Public Cemetery.
Iginiit ni Oreta na nararapat lamang na makuha ng mga pamilyang Malabonian ang malinaw na kasagutan sa matagal nang problema sa sementeryo at maibalik ang dignidad at maayos na serbisyong pampubliko para sa mga mamamayan.
“Itigil na natin ang politika, ituloy at tapusin na ang Tugatog Cemetery,” panawagan ni Oreta.(R. Ang)