Advertisers

Advertisers

P100m ketamine nasabat sa Clark

0 37

Advertisers

NASABAT ng Bureau of Customs –Port of Clark, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang halos P100 milyong halaga ng bawal na droga sa dalawang shipment na nagmula sa ibang bansa.
Aabot sa 19.89 kilogramo ng ketamine, na may tantiyang halagang P99.445 milyon, ang nakumpiska Oktubre 22.
Ayon sa BOC, ang unang kargamento ay nagmula sa Switzerland at idineklarang roasted coffee beans, coffee machine at kagamitan sa paghahanda ng kape, na nakatakdang ihatid sa Mandaluyong City.
Ang ikalawang shipment ay galing Amsterdam at idineklarang sodium bicarbonate cleaning powder, na nakatakdang ipadala sa Montalban, Rizal.
Kinumpirma ng laboratory examination ng PDEA na positibo sa ketamine ang mga nakuhang substansiya.
Babala ni BOC–Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes, paiigtingin ang pag-iinspeksiyon sa mga parcel at kargamento, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga shipment ngayong holiday season.
Tiniyak naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na magpapatuloy ang mas mahigpit na operasyon laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (Jocelyn Domenden)