Advertisers
Ni Beth Gelena
Sa panayam niya kay Boy Abunda, kamakailan, binalikan ni Andrea Brillantes ang simula ng kanyang showbiz career.
Tatlo o apat na taong gulang pa lamang siya nang unang mag-audition para sa GMA series na Marimar, na pinagbidahan ni Marian Rivera noong 2007.
“Naaalala ko po I was around three or four years old para sa first audition ko and it was for Marimar. Kaso no’ng time na ‘yon mahiyain pa ako and hindi ako masyado nakakapagsalita sa harapan ng lahat ng maraming tao. Lalo na no’ng nakita ko si Ms-Mari-star. no’n,” nakangiting kuwento ng aktres.
Pagsapit naman niya sa edad na pito, sunod-sunod na ang kanyang mga proyekto. Ngunit kasabay ng maagang tagumpay ay ang mga pagkakataong hindi niya naranasang maging ordinaryong bata.
“I really had to sacrifice a lot. I sacrificed my childhood. Masasabi ko na natanggal na talaga ang normal experience para sa akin. Siguro nawala rin ‘yung freedom and allowance to make mistakes.
“Kasi nga growing up in front of everyone grabe ‘yung expectations ng mga tao sa akin kahit bata lang ako. I’m still trying to figure things out. During that time medyo may hinanakit ako, may tampo ako na hindi ko ito nagawa.
“Naging breadwinner din po ako and bilang isang bata, hindi ko maiwasan na tumingin sa ibang bata, na bakit meron na sila nito, hindi ko ito ma-provide for myself because I need to provide for my family first.
Hindi naman ikinaila ni Andrea ang mga biyayang idinulot ng maagang pagtatrabaho. Sa pamamagitan ng kanyang karera, naiahon niya ang pamilya sa kahirapan, nakapaglakbay sa iba’t ibang panig ng mundo at natupad ang mga pangarap na dati ay tila imposibleng maabot.
“But kahit naman gano’n, happy ako kasi ang nabigay niya sa akin ‘yung buhay na meron ako ngayon. Naiahon ko ‘yung pamilya ko sa kahirapan. I got to travel around the world. I got to inspire other people. Ang dami ko pong na-achieve na mga pangarap ko na hindi ko akalain na posible pala.”
Hindi rin naging madali ang personal na buhay ng aktres. Sa dami ng kontrobersiya at batikos na pinagdaanan niya sa murang edad, dumating siya sa puntong kinailangan niyang humanap ng higit na matibay na masasandalan.
“No’ng panahon na ‘yon iniisip ko saan pa ba ako nakakapit? Saan pa ba ako kukuha ng lakas? Umabot na ako sa point na hindi ko na talaga alam kung anong gagawin ko. Nagkaroon ng point na end of the world, dito na ba mag-e-end ‘yung life ko? There was no other way but ibigay na lang sa Diyos at kumapit at nagtiwala na lang ako sa Diyos. Feeling ko hindi ako malakas para sa kanya. kasi tingin niya kaya kong tanggapin lahat ito eh,” makahulugang pagbabahagi ng aktres.
Malinaw sa kuwento ni Andrea na hindi lamang kasikatan at tagumpay ang naging kapalit ng kanyang maagang pagpasok sa showbiz. May mga pangarap siyang kinailangang ipagpaliban, mga karanasang hindi na maibabalik at mga pagsubok na humubog sa kanyang pananampalataya at pagkatao.