Advertisers

Advertisers

Sa gera vs red tape, QC-LGU, nanguna sa tax collection; at serbisyo ng SSS, mas pinabilis at pinadali

0 39

Advertisers

Kapag may lalakarin na dokumento sa anuman ahensya ng pamahalaan, milyong Pinoy ang naiinis. Bakit? Marahil ang masasabi kong kasagutan diyan ay.…alam niyo na kung bakit.

Katunayan, matagal nang pagsubok sa pagtitimpi ang pakikipagtransaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan, ito ay dahil sa mahahabang pila at paulit-ulit na papeles/requirements. Pero ang bulok na estilong ito ay pinatunayan ng Pamahalaan Lungsod ng Quezon na pwedeng maging mabilis at maayos ang serbisyo ng gobyerno.

Kamakailan, sa State of the City Address ni Mayor Joy Belmonte, inihayag niyang nakapag-ambag ang QC ng ?1.4 trilyon sa pambansang ekonomiya noong 2025 kung saan ito ay humigit-kumulang 6% ng GDP ng bansa. Nanguna rin ang lungsod sa koleksyon ng buwis mula sa 70,000 rehistradong negosyo.



Ano pa man, hindi lang sa malaking kita nakatutok ang QC kundi sa pagpapadali ng negosyo. Iniugnay ng lokal na pamahalaan ang mga sistema nito sa Philippine Business Hub, eGovPH, at DTI, habang ang Bureau of Fire Protection (BFP) ay direktang makakakuha na ng datos mula sa online portal ng lungsod upang maalis ang paulit-ulit na pagpasa ng requirements.

Pinadali rin ang inspeksyon sa ilalim ng Executive Order No. 38, habang dinala naman sa 142 barangay ang digitalization. Sa tulong ng GCash at Maya, online na ang bayaran ng barangay clearance, at ang QC Delivers ay nakapaghatid na ng mahigit 289,000 dokumento diretso sa mga negosyo.



At dahil din sa mga programang tulad ng QC BizEasy at QC Pay Easy, nasungkit ng lungsod ang PCCI Hall of Fame bilang Most Business-Friendly LGU at Gold Asia-Pacific Stevie Award.

Ngayon ang ganitong makabagong pamamahala ni Mayor Joy sampu ng bumubuo sa LGU ng lungsod, ay isang patunay na kapag pinalago ang negosyo at pinadali ang serbisyo, direktang nakikinabang ang bawat mamamayan. Nawa’y tularan ng ibang LGU o ahensya ng pamahalaan ang mga magandang programa ng QC.



***

Winakasan na rin ng Social Security System (SSS) kalbaryo ng milyong miyembro ng ahensya. Opo, hindi na kailangan pang magtiis ng mga miyembro sa mahabang pila, paulit-ulit na pagpunta sa magkakaibang tanggapan, at pag-download ng napakaraming mobile app. Ganoon ba? Bakit naman?

Heto lang naman, sa bagong kasunduan sa pagitan ng SSS at Department of Information and Communications Technology (DICT), isasama na ang digital MySSS Card at mga pangunahing serbisyo nito sa eGovPH superapp kung saan ito ay malaking ginhawa para sa milyun-milyong miyembro.

Sa bagong sistema, isang app na lamang ang kailangang buksan para makita ang contribution history, ma-check kung naihuhulog ng employer ang mga bayarin, at maipakita ang opisyal na digital SSS ID. In short, hindi lang ito usapin ng simpleng teknolohiya kundi isa itong direktang solusyon sa dekada nang reklamo ng taumbayan ukol sa mabagal at magulong bureaucratic system sa bansa.

Ang programa ay napakalaking benepisyo rin para sa mga freelancer, online workers, at self-employed dahil hindi na nila kailangan pang pumunta sa mga branch. Sa pamamagitan ng iisang shared digital platform, mas mabilis na nilang maiisa-ayos ang kanilang social protection nang hindi naabala ang kanilang pang-araw-araw na paghahanapbuhay.

Sa hakbanging ito ng SSS at DICT, patunay lamang ito na kapag nakiisa ang mga ahensya ng gobyerno sa paggamit ng teknolohiya, ang mamamayan ang unang nakikinabang.