Advertisers

Advertisers

Trillanes, binasag ang katuwiran ni Sec. Remulla sa pag-aresto kay Sen. Bato

0 31

Advertisers

TINAWAG na palusot ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang babala ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng umabot umano sa sampung libong katao ang posibleng masawi sakaling sapilitang arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Trillanes na tila ginagamit lamang umano ni Remulla ang posibleng madugong komprontasyon bilang dahilan kung bakit hindi pa naipatutupad ang warrant of arrest laban sa senador.

Giit ng dating mambabatas, bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government, na nangangasiwa sa Philippine National Police, hindi dapat umano magkaroon ng lugar sa bansa na hindi kayang puntahan ng mga awtoridad upang isagawa ang kanilang tungkulin.



Matatandaang malinaw na binanggit ni Remulla ang posibleng lawak ng magiging epekto ng isang armadong operasyon. Sinabi niyang maaaring umabot sa sampung libong katao ang mga posibleng masawi kung ipipilit ang pag-aresto kay Dela Rosa, kaya mas pinipili umano ng pamahalaan ang pakikipagnegosasyon upang maiwasan ang pagdanak ng dugo.

Hindi rin pinaniniwalaan ni Trillanes na mayroon umanong malaking armadong grupo na tunay na makahahadlang sa operasyon ng pamahalaan para madakip si Dela Rosa.



Ayon sa kaniya, walang major armed group na kumukupkop sa senador.

Ang lugar lamang umano na pinagtataguan nito ay nasa ilalim ng impluwensiya ng isang kilalang political warlord.



Gayunman, iginiit ni Trillanes na hindi nangangahulugang haharangin ng naturang personalidad o grupo ang operasyon ng pamahalaan. Aniya, iba ang magiging sitwasyon kapag Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na ang magsasagawa ng operasyon.

Matatandaang kinumpirma noon ni Remulla na nasa Mindanao si Dela Rosa at sinabing protektado ito ng isang makapangyarihang armadong grupo.

Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. (Mula sa Bombo Radyo)