Advertisers
IKINAGALAK ng mga lokal na prodyuser ng baboy ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng 60-araw na import restriction sa mga inaangkat na pork cuts at pork offals, nguni’t iginiit nilang hindi ito sapat upang maisalba ang naghihirap na industriya ng paghahayupan sa bansa.
Sa kanilang magkasanib na pahayag nitong Nobyembre 9, nanawagan ang Alliance of Philippine Agricultural Producers (AGAP), Producers of Pork (PROPORK) at Philippine Pork Council na palawigin ang import restriction hanggang unang quarter ng 2027 at ibalik ang dating mas mataas na taripa sa imported pork.
Sa nagdaang press conference ng DA, inihayag ang pagpapatupad ng 60-day import restriction na maglilimita sa pag-aangkat ng mga produktong baboy. Dumalo sa pagpupulong sina AGAP Party-list Rep. Nikki Briones, Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., Usec. Asis Perez, Atty. Vincent Maronilla ng Bureau of Customs (BOC), Eric Harina ng PROPORK, Ernie Ordonez ng Alyansa Agrikultura, Chester Tan ng NATFED at Rosendo So ng SINAG.
Ayon sa mga grupo, maaaring umabot sa P100 bilyon ang pagkalugi ng lokal na industriya ngayong taon dahil sa pagdagsa ng murang imported na karne, habang tinatayang P250 milyon kada araw ang nawawala sa mga lokal na magbababoy dahil sa bagsak na farmgate prices.
Iginiit nilang kailangang agad ipatupad ang restriksyon at palawigin ito hanggang unang quarter ng 2027 dahil mismong ang DA ang nagsabing sapat ang kasalukuyang stock ng baboy para sa 92 hanggang 143 araw, at may sapat pang suplay hanggang katapusan ng unang quarter ng susunod na taon.
Hiniling din nila ang direktang subsidiya at tulong pinansyal sa mga magbababoy upang mapanatili at mapalakas ang lokal na produksyon, gayundin ang buwanang paglalathala ng DA sa website nito ng transaction values ng mga inaangkat na karne upang matiyak ang transparency.
Samantala, nanawagan ang mga grupo sa Department of Economy, Planning and Development (DepDev) at Tariff Commission na aksiyunan ang kanilang panawagan na ibalik ang dating taripa na 30 porsiyentong in-quota at 40 porsiyentong out-quota mula sa kasalukuyang 15 hanggang 25 porsiyento.
Hiniling din nila ang agarang reclassification sa pork jowls o pisngi ng baboy mula sa “offals” bilang “good meat” upang maitaas ang taripa nito mula 10 porsiyento hanggang 40 porsiyento.
Para naman sa BOC, iginiit ng mga grupo ang mas mahigpit na kampanya laban sa agricultural smuggling, partikular ang misdeclaration, maling klasipikasyon at undervaluation ng mga imported na produktong baboy.
Binigyang-diin ng mga prodyuser na hindi dapat matapos sa 60-day import restriction ang mga hakbang ng pamahalaan. Kailangan anila ang pangmatagalang solusyon, kabilang ang pagbabalik ng mas mataas na taripa, upang mabigyan ng patas na kompetisyon ang lokal na karne ng baboy at matulungan ang mga magbababoy na makabangon.
Tiniyak din ng mga grupo na patuloy nilang isusulong ang kapakanan ng mga lokal na magbababoy at ang pagpapalakas ng sariling produksyon ng bansa.