Advertisers
Sa kauna-unahang pagkakataon, pinaboran ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang kasong may kinalaman sa umano’y paglabag sa anti-political dynasty provision ng Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 o Republic Act No. 10742 matapos hindi umusad ang reklamong inihain laban sa mag-amang barangay officials sa Maynila.
Sa minute resolution nitong Setyembre 29, 2026 at inilabas lamang nitong Oktubre 26, 2026,, hindi pinagbigyan ng Komisyon ang reklamong inihain ng isang alyas Rick, isang long-time resident ng Maynila, na kumukuwestiyon sa pagkakahalal nina Barangay Chairman Jeric Tee at ng kanyang anak na si SK Chairman Micko Jerald Tee ng Barangay 298, Zone 29, District III, Lungsod ng Maynila.
Sa clarificatory hearing noong Agosto 10, 2026 sa COMELEC District Office sa Arroceros, sa pangunguna ni Atty. Jean Catherine Rodriguez, Election Investigating Officer, kinumpirma ni Punong Barangay Jeric Tee na si Micko Jerald Tee ay kanyang biological son.
Sa naturang pagdinig, ipinaliwanag din ni Jeric na nagbitiw siya sa puwesto bilang Punong Barangay noong Agosto 23, 2023,
Subalit, isang Linggo matapos magbitiw ,muli siyang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) noong Setyembre 2, 2023 para sa pagka-Barangay Chairman, kasabay ng paghahain naman ng COC ng kanyang anak na si Micko para sa pagka-SK Chairman sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Kapwa nanalo ang mag-ama sa kani-kanilang posisyon.
Para sa complainant, malinaw na isang paraan umano ng circumventing the law o pag-iwas sa batas ang pansamantalang pagbibitiw ni Jeric Tee bilang Punong Barangay upang bigyang-daan ang pagtakbo ng kanyang anak bilang SK Chairman at makalusot sa batas ng R.A. 10742.
Iginiit ni alyas Rick na saklaw ng pagbabawal sa ilalim ng Section 10 ng RA 10742 ang naturang sitwasyon, na itinuturing na mahalagang hakbang tungo sa pagpapatupad ng anti-political dynasty policy sa antas ng barangay.
Sa ilalim ng Chapter II, Section 10 ng nasabing batas, isa sa mga kuwalipikasyon ng isang elective o appointive SK official ang hindi pagiging kamag-anak, hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity, ng sinumang incumbent elected national official o incumbent elected regional, provincial, city, municipal, o barangay official sa lugar kung saan siya naghahangad na mahalal.
Bukod dito, iginiit din ng complainant na maaaring pumasok sa paglabag sa Section 74, in relation to Section 262 ng Omnibus Election Code ang paghahain ng Certificate of Candidacy kung hindi natutugunan ang legal na kuwalipikasyon sa posisyong inaaplayan.
Nakasaad sa Section 74 na sa paghahain ng COC, ipinahahayag ng kandidato ang kanyang kandidatura at pinatutunayan na siya ay kuwalipikado sa posisyong kanyang inaaplayan.
Lalong kinuwestiyon ng complainant ang naging resulta ng kaso dahil sa naunang desisyon ng COMELEC na pinagtibay ng Korte Suprema noong Abril 8, 2026 sa kasong Merson Calubag v. COMELEC, kung saan napatalsik si Calubag bilang SK Chairman dahil ang kanyang ina ay incumbent Barangay Kagawad sa Brgy Magtangale, San Ftancisco, Surigao del Norte.
Sa kaso naman ng mag-amang Tee, hindi na umabot sa pagsusuri sa mismong merito ng reklamo ang usapin matapos umano itong hindi aksiyunan dahil sa mga teknikal na kakulangan sa paghahain ng reklamo, kabilang ang hindi pagbabayad ng kinakailangang filing fee na P10,000 at iba pang requirements ng COMELEC.
Dahil dito, iginiit ni alyas Rick na nakalulungkot na hindi nasuri ang mismong isyu kung may naganap na paglabag sa anti-dynasty provision ng RA 10742.
“Kung ang isang reklamo ay hindi na umaabot sa pagsusuri ng mismong paglabag dahil lamang sa teknikalidad, paano maipatutupad ang batas laban sa political dynasty sa antas ng barangay, lalo pa malabo kung sa national level ang kaso? tanong ng complainant.
Sa huli, nananatiling mahalagang usapin kung paano ipatutupad ang anti-political dynasty provision ng RA 10742 at kung magkakaroon ba ng pantay na pagtrato sa mga kasong may kaparehong legal na isyu.
Sa kasalukuyan, nagsisilbi “staff” rin si P/B Tee ni Manila 3rd District Councilor Jeff Tan.