Advertisers

Advertisers

SENADOR VILLAR INIHAIN ANG PAMPER ACT UPANG PANGALAGAAN ANG MGA PET OWNER, MATIYAK ANG MARANGAL NA HULING PAALAM NG MGA MINAMAHAL NA FURBABIES

0 8

Advertisers

PASAY CITY — Isinusulong ni Senator Mark Villar ang mas mahigpit na regulasyon sa mga serbisyong ipinagkakaloob para sa mga namayapang alagang hayop upang maprotektahan ang mga pet owner at matiyak ang maayos, malinis, at marangal na pangangasiwa sa labi ng kanilang mga minamahal na furbabies. Ito ay kasunod ng pagkakatuklas sa mga itinapong labi ng mga alagang hayop sa San Jose del Monte, Bulacan.

Inihain ni Villar ang Senate Bill No. 2595, o ang Proper Aftercare and Memorialization of Pets’ Remains (PAMPER) Act, na naglalayong magtakda ng malinaw na pamantayan para sa mga pet crematorium at iba pang tagapagkaloob ng serbisyong pangangalaga at pagsasaayos ng labi ng mga namayapang alagang hayop, palakasin ang pangangasiwa ng pamahalaan, at magpataw ng mas mabibigat na parusa sa ilegal na pagtatapon, pag-abandona, o hindi wastong pangangasiwa sa mga labi ng mga ito.

“Nauunawaan natin ang sakit na nararamdaman ng bawat furmom at furdad sa pagkawala ng kanilang minamahal na furbabies. Ang ating mga alaga ay bahagi na ng ating pamilya, kaya nararapat lamang na matiyak na ang huling paalam sa kanila ay may dignidad, malasakit, at paggalang,” ani Villar.



Nag-ugat ang panukala sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng isang pet aftercare service provider sa Bacoor, Cavite, matapos matagpuan ang 29 na labi ng mga alagang hayop—26 na aso at tatlong pusa—na isinilid sa mga plastic bag at iniwan sa gilid ng kalsada sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon kay Villar, binibigyang-diin ng insidente ang pangangailangan para sa isang tiyak na sistema ng regulasyon sa mga serbisyong pangangalaga sa mga namayapang alagang hayop, lalo’t hindi tahasang nagtatakda ang mga umiiral na batas sa kapakanan ng hayop ng komprehensibong pamantayan para sa wastong pangangasiwa at pagtatapon ng kanilang mga labi.



Sa ilalim ng panukalang PAMPER Act, ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI), katuwang ang Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Trade and Industry (DTI), ay magtatakda ng mga alituntunin sa akreditasyon at mga pamantayan sa operasyon ng lahat ng tagapagkaloob ng serbisyong pangangalaga sa mga namayapang alagang hayop.

Pangunahing mangangasiwa sa pagpapatupad nito ang mga lokal na pamahalaan (LGUs), kabilang ang pagbibigay ng mga kinakailangang lisensya at permit sa negosyo at pagpapanatili ng talaan ng mga lisensyadong establisimyento. Inaatasan din ang mga service provider na sumunod sa mga pamantayan sa kalinisan, pag-iimbak, pangangasiwa at transportasyon ng mga labi, maayos na pagtatala at pagsubaybay sa paghawak sa mga ito (chain of custody), pangangalaga sa kapaligiran, pagpapanatili ng pasilidad, at pagiging malinaw sa mga pamamaraan, bayarin, at proseso ng huling disposisyon ng mga labi.



Pinahihintulutan din ng panukala ang mga LGU, katuwang ang mga kinauukulang pambansang ahensya at mga awtoridad na nagpapatupad ng batas, na magsagawa ng regular at hindi ipinagbibigay-alam na inspeksyon sa mga establisimyento. Maaari ring suspindihin o bawiin ang kanilang akreditasyon at mga lokal na permit sa negosyo, alinsunod sa due process at mga umiiral na batas. Ang mga establisimyentong magpapatakbo nang walang kinakailangang akreditasyon, lisensya, o permit ay pagmumultahin ng P100,000 hanggang P500,000.

Samantala, ang ilegal na pagtatapon, pag-abandona, o hindi wastong disposisyon ng mga labi ng alagang hayop ay papatawan ng pataas na parusa depende sa bilang ng paglabag: pagkakakulong ng isa hanggang dalawang taon at/o multang hindi bababa sa P100,000 para sa unang paglabag; pagkakakulong ng dalawa hanggang limang taon at/o multang hindi bababa sa P250,000 para sa ikalawang paglabag; at pagkakakulong ng lima hanggang sampung taon at multang hindi bababa sa P500,000 para sa ikatlo at mga susunod pang paglabag.

Sa pamamagitan ng PAMPER Act, hangad ni Villar na matiyak na magiging mas responsable at maayos ang pagpapatakbo ng mga pet crematorium, Layunin din nitong panagutin ang mga establisimyentong pinagkakatiwalaan ng mga pamilya sa pangangalaga sa mga labi ng kanilang mga alaga, upang hindi mauwi sa panlilinlang at kapabayaan ang isang dapat sana ay maayos at marangal na huling pamamaalam.

“Ang pagpanaw ng ating mga alagang hayop ay isa nang mabigat na pagsubok para sa kanilang mga pamilya. Hindi dapat samantalahin ang kanilang pagmamahal at tiwala, lalo na sa panahong nagluluksa sila. Nararapat lamang na mabigyan ang bawat furmom at furdad ng katiyakang ang kanilang minamahal na furbabies ay pangangalagaan nang may malasakit, dignidad, at paggalang,” pagtatapos ni Villar.